Salubungin ang Bagong Taon na puno ng pag-asa at malasakit sa kapwa Pilipino
- BULGAR
- Dec 29, 2021
- 3 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |December 29, 2021
Magdadalawang taon na mula noong pinadapa ang buong mundo ng kasalukuyang pandemya. Magdadalawang taon na rin tayong pilit na nilalampasan ang iba’t ibang krisis na dala nito at mga hamong sumusubok sa katatagan ng ating pagka-Pilipino.
Subalit, dahil sa maayos na pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte at sa ating patuloy na pakikipagbayanihan, naging maayos ang pandemic response tungo sa unti-unting pagbabalik sa normal na pamumuhay. Masakit at mahirap man ang ating pinagdaanan, marami pa ring rason para magpasalamat sa Panginoon at harapin ang Bagong Taon na puno ng pag-asa.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, taus-puso ang ating pasasalamat at pagkilala sa serbisyo at sakripisyo ng mga medical and economic frontliners. Sila ang maituturing na mga bayani sa panahong ito.
Masaya rin tayong ibalita na, as of December 27, may mahigit 106.29 milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 ang naiturok na, kung saan merong 56.95 milyong Pilipino ang nakakuha ng unang dose at 47.86 milyon naman ang nakakumpleto na ng kanilang doses. Meron ding mahigit 1.48 milyong booster shots ang naiturok na. Sa kabuuan, nakatanggap ang ating bansa ng mahigit 205.03 milyong doses. Tuluy-tuloy ito hanggang sa marating natin ang herd immunity at maproteksiyunan ang buhay ng bawat Pilipino.
Sana sa Bagong Taon, mas lalo tayong magkaisa upang matulungan natin ang ating mga kababayan na malampasan ang iba’t ibang hamon sa buhay. Sa pagdiriwang natin kasama ang ating mga pamilya, huwag nating kalimutan ang mga kababayan nangangailangan ng tulong, lalo na ang mga komunidad na lubhang naapektuhan ng Bagyong Odette.
Kaugnay nito, binisita natin ang mga tinamaang lugar, tulad ng Surigao del Norte, Dinagat Islands, Southern Leyte, Cebu, Bohol, Negros Occidental at Palawan.
Nakipagpulong din tayo sa mga lokal na opisyal, namigay ng mga tulong at pinakinggan ang mga hinaing ng mga apektado upang magbigay-solusyon sa kanilang mga suliranin.
Ngayong araw ay pupuntahan namin ang mga apektadong komunidad sa Bais City at Manjuyod, Negros Oriental. Mas nanaisin naming makisalamuha ang mga komunidad na nangangailangan upang magserbisyo.
Hindi rin tumitigil ang pamahalaan upang matiyak na muling maisasaayos ang mga kalsada, daungan at paliparan; agad na maibalik ang mga linya ng tubig, kuryente at komunikasyon; at makarating ang tulong sa mga apektadong indibidwal. Gamitin lahat ng assets ng gobyerno upang maproteksiyunan ang buhay ng mga nasalanta at agad silang makaahon mula sa krisis.
Sisikapin nating maitayo muli ang mga tirahang nasira at ang mga kabuhayang naantala.
Tandaan, bawat pagsubok ay may pag-asa ng mas maginhawang kinabukasan kung tayo ay magtutulungan at magkakaisa.
At upang mas lalong matugunan ang mga pangangailangan kung sakaling may sakuna at kalamidad, patuloy ang ating panawagang ipasa na ang mga panukalang naglalayong itatag ang Department of Disaster Resilience at mandatory evacuation centers sa bawat lalawigan, lungsod at bayan. Kailangan din nating maipasa ang panukalang magbibigay ng rental housing subsidy sa mga nawalan ng bahay dulot ng mga sakuna
Marami pa rin tayong dapat ipagpasalamat ngayong taon sa kabila ng mga pagsubok na ating kinaharap, kamakailan.
Ito ang tunay na diwa ng Kapaskuhan: ang palaganapin, ipakita at ipadama ang pagmamahal, pag-asa, at pakikiramay natin sa bawat isa. Kung isasapuso natin ang mensaheng ito sa ating isip, salita at sa gawa, kaya nating simulan ang Bagong Taon na puno ng pag-asa at may tiwala sa ating kakayahan na harapin ang anumang pagsubok na maaaring dumating sa atin bilang nagkakaisang bansa.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments