top of page

Salano at Camacho, kampeon sa PAL Manila Int'l Marathon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 25, 2024
  • 2 min read

ni Anthony Servinio @Sports | February 25, 2024



ree


Itinanghal si pambansang atleta Richard Salano ng Philippine Army bilang kampeon ng 2024 Philippine Airlines Manila International Marathon kahapon sa Liwasang Ulalim ng Cultural Center of the Philippines Complex sa Pasay City.  Naipagtanggol ni Salano ang mga kalsada sa pagsalakay ng malaking pulutong ng mga banyagang kalaro na angkop sa tema ng takbo na umani ng suporta para sa mga sundalong Pilipino na nagbabantay sa West Philippine Sea. 


Ginulat ni Salano na umoras ng 2:25:24 ang mabigat na paborito Nasser Allali ng Pransiya na 2:27:54.  Isa pang Pinoy Welfred Esporma ng adidas Runners Manila ang pumangatlo sa 2:37:22. 


Doble ang kasiyahan ng mga Pinoy at wagi si Maricar Camacho sa panig ng kababaihan sa oras na 3:09:18.  Sumunod ang dalawang banyaga na sina Lilian Jepkosgei Kiprop ng Kenya na 3:16:32 at Nguyen Thi Linh ng Vietnam na 3:26:22 


Hindi man nakalapit sa markang 2:14:27 ni two-time Olympic gold medalist Waldemar Cierpinski ng Silangang Alemanya noong pinakaunang edisyon ng karera noong 1982, naging mahigpit ang habulan bunga ng kalidad ng mga bisitang atleta buhat sa Timog Silangang Asya at Europa.  Nandiyan rin ang mga Kenyan na matagal nang naninirahan sa Pilipinas at suki ng mga fun run. 


Tumanggap si Salano ng gantimpalang P50,000 at tiket patungong Taiwan Marathon sa Nobyembre.  Naghatid-saya rin ang BULGAR bilang media partner at namigay ng mga t-shirt, ballpen, pagkain at iba pang regalo sa mga tumakbo sa lahat ng kategorya na 42, 21, 10 at limang kilometro. Lahat din ng staff ng BULGAR ay tumakbo sa 5k.  


Aabangan ang susunod na karera sa 2025 at umaasa si Race Organizer Dino Jose na mas marami ang magpapalista.  Ang isang taong ensayo ay inaasahang magiging sapat upang sa wakas ay mahigitan ang marka ni Cierpinski na pinakamabilis na Marathoner sa Pilipinas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page