Salamat sa mga parokyanong bumababa at nakikiisa sa buhay ng mga maralita
- BULGAR
- Oct 2, 2023
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 02, 2023
Minisahan ko noong nakaraang Huwebes ang yumaong Dona Detera.
Nasa 40 taong gulang lang si Dona, na mayroong anim na anak sa pitong ama.
Ang mga nakatatandang anak niya ay may kani-kanilang buhay na. Ngunit, mayroong mga maliliit pang anak si Dona. Paano mabubuhay ang mga ito, kung wala sa mga naging lalaki sa buhay ni Dona ang sumusuporta sa kanya?
Nag-iisa lamang si Dona. Hanggang sa nagkasakit at namatay ito, nag-iisang nagtrabaho ang nanay ng anim na bata.
Matagal na naglabada si Dona hanggang sa sinubukan nitong mangalakal, na nauwi rin sa ganitong hanapbuhay.
Kasama niya ang dalawang pinakabatang anak na sina Edna, 11, at Babylyn, 9. Noong simula ay kasa-kasama pa ng dalawang batang babae ang kanilang ina. Sa mga nagdaang buwan, masyado nang humina si Dona dahil sa sakit nitong tuberculosis o TB.
Ayaw uminom ng gamot o magpatingin sa doktor ang maysakit na ina hanggang sa naiwanang walang kasamang matanda ang dalawang bata sa pangangalakal.
Kinausap ko sina Edna at Babylyn tungkol sa kanilang pangangalakal. Kapag maganda ang kanilang pangangalakal, mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-5 ng hapon, ay kumikita sila ng P200. Ngunit, kung hindi naman ay nakakapag-uwi sila ng P100.
Pinagkakasya rito ni Dona ang isang kilong bigas sa buong araw para sa apat na bibig.
Bumibili siya ng hotdog at dila-dila sa halagang P50, habang pinatatagal ito ng dalawang araw. Pagkatapos ng misa, kinausap at tinanong namin si Jhona, ang panganay na anak ni Dona, kung ano ang plano nito para sa kanyang mga maliliit na kapatid. Kukunin ni Jhona ang mga kapatid niyang sina Rico at Edna, at aampunin naman ng isang kapitbahay si Babylyn.
Pinasalamatan ko si Dona dahil sa sinikap niyang itawid sa hirap at gutom ang kanyang mga anak.
Hindi siya nagreklamo, bagkus lubos na nagtiis para lang buhayin ang mga maliliit na supling.
Para sa ating mga mambabasa, tunay na mahirap damhin ang nararanasan ng mga lubhang mahihirap. Kapag nakita mo ang mukha at katawang nakaratay ni Dona, na lubog ang pisngi, sapat nang marinig mo ang nagsusumigaw na mensahe nito. Parang ganito ang sinasabi, “Tiniis ko ang kahirapan, ang kasalatan at kakulangan sa lahat dahil mahirap ako. Ordinaryo na sa akin ang gutom, mas sanay akong tiisin ang gutom kaysa kumain nang kaunti. Tiniis ko ang pagod at hirap ng mahabang oras na nag-iikot sa mga basurahan ng mayayamang subdibisyon at ang mga tapunan sa gilid-gilid ng kung saan-saang mga kabahayan. Sanay akong kumita nang kaunti at pagkasyahin ito. Walang bukas para sa akin at hindi ako nagpaplano dahil ang ngayon lang ang mahalaga. Ito ang aking buhay. Sinasabi ng mga pari, “mahal ng Diyos ang mahihirap!” Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nito. Hindi ko rin batid kung alam ng mga pari ang maging mahirap. Ang alam ko lang ay mahirap ako”.
Siguro ay naitanong din niya sa sarili na, parusa ba ito ng Diyos? Mayroon bang Diyos na nagmamahal sa lahat? Bakit may mayaman at mahirap? Sino sa kanila ang mas mahal Niya?
Maaaring dumating din sa kanyang buhay na wala na siyang panahong unawain ang kung anu-anong sinasabi tungkol sa kanila. Wala na ring panahon na suriin pa niya kung totoo o hindi ang mga pangako sa kanila ng pamahalaan. Tatanggapin niya ang anumang iabot, ayuda, regalo, blow-out, suhol, lagay at iba pa dahil pare-pareho lang ito sa bawat araw na kailangang tumawid sa hirap at gutom.
Para sa kanya, ito ang ibig sabihin ng ‘isang kahig, isang tuka’ at ito ang buhay ng isang mahirap.
Kasama ko ang ilang mga parokyano na nagsusulong ng Maliit na Pamayanang Kristiyano o ng Basic Ecclesial Communities sa Ingles.
Nagpapasalamat ako sa Diyos na mayroong mga parokyanong bumababa at nakikiisa sa buhay ng mga maralita. Hindi ako o sila man ay mahirap. Hindi namin alam ang kumain ng hotdog at dila-dila araw-araw.
Ngunit, nagsisikap itong maliit na bahagi ng simbahan na makinig, tumulong at maglakbay, na nangangarap na hindi lang paikut-ikot ang buhay ng mga maralita.
Mayroong hindi mahirap na pinipiling alamin ang tunay na nangyayari at pinagdaraanan ng mga mahihirap nilang kapatid.
Unti-unting nagkakakilala ang mga mayayaman at mahihirap na hanggang sa nagbabahaginan ang dalawa.
Totoong hindi maghihirap ang marami sa aming pamayanan, ngunit hindi sila lumalayo o umiiwas sa mga mahihirap. Sa halip ay nakikiisa, bumubuo ng sambayanang nananalangin, kumikilos, nangangarap nang sama-sama.
Sila na nagiging malapit habang nagkakaalaman hindi lang kung ano ang laman ng kani-kanilang bulsa, kundi ang laman ng puso ng bawat isa.








Comments