top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Salamat sa mga nakiisa sa “Dugong Alay, Pandugtong Buhay”

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 20, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 20, 2023


Sa tuwing sasapit ang aking kaarawan ay napakarami nating aktibidades dahil bukod sa ating mga tagasuporta, tagahanga at malalapit na kaibigan ay nais din nating ibahagi ang napakahalagang araw na ito sa ating mga kaanak at mahal sa buhay.


Sa darating na Setyembre 25 ay ipagdiriwang ko ang aking ika-57 kaarawan at isa sa labis nating pinaghahandaan ay ang taunang pagdu-donate ng dugo na tinawag nating Dugong Alay, Pandugtong Buhay dahil para sa akin ay ito ang pinakamataas na antas nang pagpapakita ng pagmamahal at pagbibigay.


Ang naturang programa na sinimulan natin noon pang 2007 ay malaking tulong hindi lamang para sa mga Caviteños kung hindi sa maraming kababayan na nangangailangan ng dugo sa oras ng kagipitan, lalo pa sa panahon na mahirap maghanap ng dugo.


Maraming pagkakataon na naming napatunayan ang kahalagahan ng may nakahandang dugo lalo na noong panahon ng pandemya na kabi-kabila ang nangangailangan at sa tulong ng langit ay nadugtungan naman natin ang buhay ng ilan sa ating mga kababayan.


Sa napakahabang panahon ay naging bahagi ng aking adbokasiya na itaas ang kaalaman hinggil sa pagdu-donate ng dugo dahil bukod sa malaking tulong sa ating mga kababayan ay may mabuting dulot din ito sa kalusugan ng mismong indibidwal na nag-donate ng dugo.


Napakahirap marinig na ang isang bata ay nag-aagaw-buhay at ang tanging magsasalba lamang sa kanyang buhay ay ang masalinan ng dugo sa lalong madaling panahon at nang nakarating ito sa ating tanggapan ay agad nating natugunan.


Iba’t iba ang kuwento ng ating mga kababayan na nasa bingit ng kamatayan at ang tanging makapagliligtas lamang ay pagbibigay ng karagdagang dugo dahil may mga panahon na maging ang pamahalaan ay dumaranas ng kakapusan sa dugo partikular sa mga bihirang klase ng dugo.


At hindi natin maisasakatuparan na dugtungan kahit paano ang buhay ng ilan nating kababayan kung hindi dahil sa programa nating ‘Dugong Alay, Pandugtong Buhay’ na patuloy ang pakiki-pag-ugnayan sa mga pagamutan at lokal na pamahalaan.


Minsan nga, may lumapit sa akin sa Cavite isang ama at kasama niya ang kaniyang maybahay na maayos na ang kalagayan at kapwa sila naluluha habang nagpapasalamat dahil isa pala ang ginang na ating natulungang mabigyan ng dugo.


Ayon sa kuwento ng naturang ama, sinabi umano sa kanya ng doktor na wala na silang nakaimbak na dugo at napakarami nang tinawagan ngunit wala nang makuha at nagkataon na isa sa nakikipagtulungan sa atin ay may kahalintulad na dugo kaya naitawid natin ang sitwasyon.


Hindi kayang bayaran ng kahit anong karangyaan sa mundo ang mga ganitong karanasan kaya nga taun-taon ay patuloy nating isinasagawa ang blood letting kasama ang ating mga tagahanga, tagasuporta at iba pang mahahalaga sa ating buhay.


Sa lahat ng selebrasyong isinasagawa ko tuwing aking kaarawan ay masasabing kong ang blood letting ang pinakamasaya dahil umuukit ito hindi lang sa aking alaala kung hindi maging sa aking pamilya na nakasuporta at nais na manahin ang gawaing ito na punung-puno ng pag-ibig.


Nitong nakaraang Huwebes, muling dumagsa ang napakaraming volunteer na nais maghandog ng libreng dugo bilang bahagi ng ating taun-taong selebrasyon na labis na nagpasaya sa naturang programa.


Tinawag na ‘Dugong Alay, Pandugtong Buhay’ ang bloodletting program na ginanap sa Strike Gymnasium sa Bacoor Government Center kung saan pinangunahan ng inyong lingkod ang pagdu-donate ng dugo.


Nakakatuwa na sa edad nating 57 ay maayos pa rin ang ating pangangatawan at ang ating kalusugan na matapos tayong isailalim sa medical examination ay muli tayong nakapaghandog ng sarili nating dugo na dadaloy sa buhay ng iba nating kababayan.


Ngayong taon, kasama natin ang Dugong Alay, Dugtong Buhay Inc. na siyang nanguna para sa naturang programa ay nakuha din natin ang suporta ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Army (PA), Philippine Air Force (PAF), Philippine Navy (PN) at marami pang iba.


Nakakataba ng puso na ang ating mga sundalo at pulis ay magkakatabing nakahiga at nagdu-donate ng dugo na lalong nagpataas sa kagustuhan ng iba pa nating kababayan na mag-donate na rin ng dugo.


Kasama rin sa mga nagpakuha ng dugo ang mga miyembro ng Fraternal Order of Eagles, Agimat Riders, Bacoor LGU, at iba’t ibang non-governmental organizations na sinimulan ng alas-8 ng umaga hanggang hapon.


Sa gitna ng programa ay nagbigay tayo ng maikling pananalita bilang pasasalamat sa lahat ng mga walang sawang sumusuporta sa taun-taon nating blood letting kabilang na ang mga sponsors tulad ng Frabelle Foods, Sovit Cee, at ilang rotary clubs.


Salamat at muling naging matagumpay ang taunang bloodletting na ito na isinagawa ng birthday ko. Sana ay huwag kayong magsasawa upang mas makatulong pa tayo sa mas marami nating kababayan at sana sa susunod na taon ay magkakasama na tayo.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page