top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Salamat sa lahat ng mga nakilahok sa pa-birthday nating tablet, cellphone at laptop!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 25, 2020
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 25, 2020



Ngayong araw na ito mismo ang ika-54 na kaarawan ng inyong lingkod at sa dinami-rami ng ating naging selebrasyon, isa ito sa mga hindi natin malilimutan dahil sa naging matagumpay ang pamamahagi natin ng tablet, cellphone at laptop sa mga mag-aaral at mahal nating teachers.


Kung may positibo mang naiambag ang pandemyang ito bilang isang artista, ama at higit sa lahat ay bilang lingkod-bayan ay ang abutin ang ating mga kababayan hanggang sa kaliit-liitang hanay.


Simula nang umpisa ng community quarantine sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay hindi na tayo tumigil sa pamamahagi ng ayuda sa maraming lugar sa buong bansa at mabuting hindi na isa-isahin dahil alam ‘yan ng ating mga natulungan.


Halos nasa huling bahagi na tayo ng buhay at sa puntong ito ay wala na tayong ibang hangad pa kung hindi ang makatulong sa pag-unlad ng ating bansa at maisaayos ang kalagayan ng mga manggagawa kabilang na ang mga guro, nurses at mga Overseas Filipino Workers (OFWs).


Kaya ngayong araw, marami tayong dapat ipagpasalamat, unang-una sa lahat ng mga malalapit nating kaibigan mula sa pulitika at showbiz na nagtiwala at sumuporta para maging matagumpay ang pamamahagi ng napakaraming gadget.


Hindi natin kinayang magdiwang sa gitna ng pandemya, maghanda ng maraming pagkain sa kabila ng alam naman nating napakarami ang nangangailangan partikular ang mga mag-aaral at mga guro.


Sayang at hindi kaya ng kapasidad natin na bigyan lahat ng mag-aaral sa bansa kaya nga idinaan na lamang natin sa raffle upang pantay-pantay ang pagkakataong maibigay natin sa lahat ang ating nakayanan.


Ngunit marami rin naman tayong natulungan na hindi na idinaan sa raffle, tulad na lamang ng isang 46-anyos na ama mula sa Naga City, Camarines Sur na nag-viral dahil sa inipon niya lahat ng alaga niyang manok para i-barter online kapalit ng tablet.


Ito na lamang ang naisip niyang paraan para magkaroon ng tablet para sa kanyang anak na mag-aaral ngayong pagbubukas ng klase, kaso natapat siya sa isang walang kaluluwang nilalang na bukod sa niloko siya ay nasimot pa ang kanyang pera sa kaniyang GCash account.


At marami pang mga kahalintulad na kuwento ng pangangailangan ang ating natugunan na labis pang nakapag-pagaan sa ating kalooban kaya sa iba pang pagkakataon ay muli nating isasagawa ang mga ganitong bagay.


Sa pamamagitan ng KAP program, (KAALAMAN, ATING PALAWAKIN) ay nagkaroon tayo ng Gadget Giveaway at halos 2000 na 10-inch tablets at cellphone ang naipamahagi para magamit sa blended learning at sa huling gabi ay nadagdagan pa ng mga laptop.


Nakapamigay tayo ng 1,500 tablets, 230 cellphone, 100 phablets at 28 laptop at sinikap nating maipamahagi ng pantay sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas, Mindanao at National Capital Region (NCR) ang mga gadget sa pamamagitan ng ating ‘live program’ sa facebook at youtube.

Nagkataon ding Teachers Month ngayon at alam naman ninyo kung gaano kalapit sa puso natin ang mga guro kaya mahigit sa 200 tablet at laptop ang naipamigay ko sa kanila para mapagaan ang kanilang pagtuturo.


Isa pa sa nais nating ipagpasalamat ay ang pagtutok ng halos 40,000 tagasubaybay gabi-gabi sa loob ng apat na araw simula noong Septyembre 20, at inabot din ng mahigit sa 1,000,000 views.


Kaya bukod sa mga nanalo sa raffle ay napakarami rin ng nabigyan ko ng tablet, cellphone at laptop na sumali lamang sa mga inihanda naming ‘on the spot question’ para sa mga nakatutok lang.


Sa kabuuan ay napakasaya ng pagdiriwang dahil kapiling natin ang marami sa ating kababayan at ang aking buong pamilya na gabi-gabing nakasuporta at nakisaya.


Sa mga nanggagantso online at nambibiktima ng mga mahihirap nating kababayan, sana hindi kayo mahawa ng COVID-19.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page