Salamat sa kababaihang lumalaban at naninindigan para sa kapakanan ng lahat
- BULGAR
- Mar 7, 2021
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| March 7, 2021
Bukas, ika-8 ng Marso ay ipagdiriwang ang International Women’s Day. Ang tema sa taong ito ay “Choose to Challenge”. Sa taunang pagdiriwang ng IWD, unti-unting lumalawak ang pag-unawa ng kababaihan ng kanilang pantay na estado sa kalalakihan.
Napakaraming kababaihan ang biktima ng pang-aabuso sa ating bansa, tulad ni Sen. Leila de Lima, na binastos sa Kongreso ng dalawang kongresistang; walang sawang iniinsulto at binabastos ng Pangulo na inabuso rin ang posisyon para maipakulong ang matapang at matalinong senadora.
Gayundin, si Sr. Patricia Fox na matapang at may paninindigang madre na pinaka-unang nasampulan na relihiyosong taga-ibang-bansa na nai-deport dahil sa diumano’y pakikialam nito sa pulitika ng ating bansa.
Kasama rin si Maria Ressa ng Rappler, na tumanggap ng sari-saring inimbentong kaso dahil sa mahusay at matapang na pagsusulat nito laban sa mga pang-aabuso, lalo na ng kapangyariha ng mga pulitiko.
Nariyan din si CJ Maria Lourdes Sereno, dating Chief Justice ng Korte Suprema. Ginamitan siyang ilegal na instrumento ng Quo Warranto ng Solicitor General para matanggal sa kanyang puwesto. Nanindigan at sinikap ni Sereno na pairalin ang naturang “Rule of Law” sa pinaka-mataas na korte ng bansa. Subalit, marami sa kanyang kasama ay naging komportable na sa kalakarang personal sa halip na konstitusyunal.
At siyempre, si VP Leni Robredo, ang binalewala, binastos, sinikap ipahiya at tanggalan ng kapangyarihan at impluwensiya mula pa noong 2016.
Marami pang ibang pangalan ng mga prominenteng Pinay na naninindigan at hindi takot maghamon sa pamamahayag ng katotohanan at sa paglaban para sa karapatang-pantao at katarungan. Subalit, binanggit na muna natin ang mga patuloy pa ring nagbabayad para sa kanilang paninindigan.
Kung titingnan natin ang kapaligiran, maraming kababaihan ang kapantay o minsan higit pa ang katapangan at paninindigan kumpara sa kalalakinan.
Samantala, sa loob ng ilang linggo na lamang, mag-iisang taon nang patay si Dra. Sally Gatchalian. Noong nabubuhay pa ito, madalas naming mapag-usapan ang mga suliranin at katanungan sa larangan ng kalusugan. Hindi magtataka o magugulat ang nakararami sa kakaibang paninindigan at tapang ni Doc Sally sa harapan ng mga sari-saring suliranin mula sa Dengvaxia hanggang COVID-19.
Sa pagpanaw ni Doc Sally, tunay siyang naging bayani, dahil literal niyang ipinaglaban ang tama at totoo hanggang sa kamatayan. Napakalaki ng naiambag ni Doc Sally upang gisingin ang kakaibang pamumuno sa simbahang puno ng lider kababaihan. Paminsan-minsa’y maririnig mo ang mga kura-parokong magsalita ng ganito: “Kawawa naman ang ating parokya kung wala ni isang babaeng handang ipakita ang kanilang paghamon sa gitna ng kapaligirang sanay na ang lalaki ang nagsasalita at namumuno.”
Matagal-tagal na rin nang naganap ang eksenang hinding-hindi natin malilimutan. Isang araw, inis na inis si Padre Roque Ferriols sa resulta ng quiz na karamihan ng lumahok ay kalalakihan. Ganito ang sinabi ni Fr. Roque sa klaseng panay lalaki na may iisang babaeng estudyante, “Merong mga babae na parang lalaki magisip at mangatuwiran.” Nang marinig ito ng kaisa-isang babaeng estudyante, tumayo ito at naghanap ng ibang paaralan.
Nakatutuwa at nakatataba ng puso ang napakaraming kababaihang ipinaglalaban at pinagsasakripisyuhan ang kultura, pulitika at kalusugan ng lalaking Pinoy. Amen.





Comments