Salamat Maria, Ina ng karagatan, tagumpay ang misyon sa WPS
- BULGAR

- May 18, 2024
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 18, 2024

Tumulak ang ikalawang “Civilian Mission” sa West Philippine Sea noong nakaraang Martes, Mayo 14, 2024.
Maaga nating isinulat ang artikolong ito dahil sa walang katiyakang merong internet signal sa parte ng dagat na tatawirin namin patungong Bajo de Masinloc.
Noong una, isa lang ang tiyak namin, kailangan ng lubos na pag-iingat, pagbabantay at pagkakaisa ng lahat ng kasama sa paglalakbay na ito. Hayaan ninyong dasalin natin ang panalanging isinulat ni Prof. Vim Nadera para sa maselan na misyon ng ikalawang
“Civilian Mission” o misyon ng karaniwang Pinoy sa WPS.
Hindi simple at hindi ganu’n kasigurado ang kaligtasan ng makasaysayang biyahe na ito. Ito ang dahilan kung bakit kinailangang magkaroon ng partikular na panalangin para sa naturang mahalagang paglalakbay.
Maaalala rin natin ang ilang ulit na pakikiisa at pagliligtas sa atin ng Mahal na Inang Maria sa mga nagdaang panahon. Dalawang mahalagang yugto ng kasaysayan ang magandang balikan.
Una, ang paglusob sa Manila Bay ng mga barko ng Protestanteng bansang Olandia noong March 15-October 4, 1646. Ayon sa kuwento, ginabayan at prinotektahan ng
Mahal na Inang Maria ng Santo Rosario ang mga barkong Espanol. Tatlong Galleong Kastila laban sa 19 na barkong Olandes ang nagsagupaan sa Manila Bay.
Sa kabila ng kaliitan ng puwersang Kastila-Filipino, natalo pa rin ang puwersang Olandes. Ang makasaysayang pagkatalo ng mga puwersang Olandes ng mga puwersang Kastila-Filipino ay taun-taong ginugunita at ipinagdiriwang sa Pista ng La Naval de Manila sa simbahan ng Santo Domingo. Nagaganap ito tuwing ikalawang linggo ng Oktubre taun-taon.
Pangalawa, hindi pa nagtatagal ang pakikiisa at pagtulong ng Mahal na Inang Maria sa atin noong Pebrero 22 hanggang 25, 1986 nang wakasan natin ang 21 taong paniniil ng diktadurang Marcos. Salamat sa ating Mahal na Inang Maria, nanatiling mapayapa, walang nasaktan ni isang tao sa kauna-unahang mapayapang rebolusyong nakilalang People Power Revolution ng mga Pilipino. Makikita noon sa iba’t ibang sulok ng kalye Epifanio De los Santos Avenue (EDSA) ang imahe ng Mahal na Birhen ng Fatima.
At ngayong linggong ito, mula ika-14 ng Mayo hanggang 17, 2024, dala-dala natin ang imahe ni Maria, Stella Maris o Maria, Tala ng Karagatan sa makasaysayang biyahe ng ikalawang “Civilian Mission” sa WPS, sa parte ng Bajo de Masinloc, Zambales.
Sa gitna ng dagat, nagdiwang tayo ng banal na misa at sa isang bahagi rin ng dagat, nanalangin din tayo sa Birheng Maria ng Medalya Milagrosa. Hiniling natin sa mahal na
Inang Maria na tulungan tayong manalangin sa kanyang anak na ipagkaloob sa atin ang kapayapaan at patuloy na palakasin ang loob ng bawat Pilipino na huwag mawalan ng pag-asa at patuloy pang palalimin ang pananalig ng lahat sa mahiwagang kapangyarihan ng kanyang anak, ang ating Panginoong Hesu-Kristo.
Ito ang panalanging tula na katha ni Prof. Vim Nadera ng U.P., Diliman:
Koro:
Inang mahal, liwanag ng mundo!
Kami po ang mga Filipinong
Nagkakaisa sa harap Ninyo,
Nagkakaisa para sa inyo.
Kayo po ang aming tala sa dagat,
Lupa’t langit na aming pangarap.
Tanglawan Ninyo kami sa lahat
Ng aming langoy, lakad at lipad.
Batid po naming batid Ninyo rin:
Galing sa Inyo ang aming galing
Kaya sana inyo pong tanggapin
Itong sama-samang galing namin.
Koro:
Inang mahal, Liwanag ng mundo!
Kami po ang mga Filipinong
Nagkakaisa sa harap Ninyo,
Nagkakaisa para sa Inyo.
Aming bandila ang piping saksi
Sa araw-araw na pangyayari
Sa karaniwnag taong mabuting
Itinuturing naming bayani!
Aming kandila ang aming alay
Sa inyo at sa kanilang buhay
Nang mabigyan po naming
Ng saysay
Ang kasaysayan ng bayan.
Koro:
Inang Mahal, Liwanag ng mundo!
Kami po ang mga Filipinong
Nagkakaisa sa harap Ninyo,
Nagkakaisa para sa Inyo.
Salamat naging matagumpay at payapa ang pagpasok ng ikalawang “Civilian Mission” sa ating pinagpipitagang teritoryo sa WPS.
Salamat sa Inang Birheng Maria, Tala ng Karagatan, Reyna ng Kapayapaan (ng EDSA).
Salamat sa inyong walang sawang paggabay at pagkalinga sa amin, ang inyong “Pueblo Amante (de Maria)” bansa, mamamayang minamahal ni Maria. Araw-araw, magsisindi kami ng kandila at magdarasal para sa kapayapaan. Araw-araw iwawagayway namin ang bandila upang ipakita ang aming pagmamahal sa aming bansa. Naway kalugdan at tulungan kami ng Panginoong Diyos Ama at ng kanyang pinakamamahal na Anak ang inyong Anak na Hesus. Amen.





Comments