Salamat Gen. Torre sa marangal, maprinsipyo at matapang na paglilingkod
- BULGAR
- 22 hours ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 7, 2025

Maraming natuwa at maraming nagalit sa mga ginawa ni General Nicolas Torre III sa loob lang ng mahigit dalawang buwan ng panunungkulan bilang hepe ng Philippine National Police.
Dinakip niya ang dalawang makapangyarihang lider sa ating bansa, sina Pastor Apollo Quiboloy at dating Pangulong Rodrigo Duterte na sa mismong araw ng pagkakahuli rito ay naihatid sa naghihintay na piitan nito sa The Hague, Netherlands.
Pagkatapos niyang gawin ang dalawang hindi madaling misyon, hindi na kagulat-gulat kung bakit hindi na tumigil ang sari-saring batikos at paninira sa kanya gamit ang lahat ng paraan lalung-lalo na ang social media.
Nang hamunin ito ng suntukan ng anak ng dating pangulo, hindi ito umatras, sa halip tinanggap kaagad ang hamon at itinakda pa ang lugar at petsa ng boxing match (sa Rizal Memorial Coliseum at araw ng Linggo). At dahil katatapos lang ng matitinding bagyo, ginawang fund-raising ang labanan ng dalawa. Ngunit, biglang nagkaroon ng biyahe ang naghamon kaya naigayak na ang lahat, ang ring, sound system, mga manonood, ‘envelopes’ para sa fund-raising at ang malawak na paanyaya sa lahat na saksihan ang kakaibang “Thrilla in Manila!”
Bago dumating ang takdang labanan, lumabas ang dalawang video ni Torre. Sa isang video, nakikipag-sparring siya at sa pangalawa, nagjo-jogging sa ulan. Kahit malaki ang tanda ni Torre sa naghamon, ipinakita nito ang tapang at kahandaan na humarap at hindi umatras sa hamon.
Lalong hinangaan ang kauna-unahang hepe ng PNP na hindi nanggaling sa Philippine Military Academy (PMA) kundi sa Philippine National Police Academy (PNPA). Magagaling ang mga hepe ng PNP na mula sa PMA ngunit kakaibang husay at puso ang ipinakita ni Torre. Dahil dito, unti-unting tumaas ang dangal ng kapulisan, at nabawasan ang hindi magandang imahe nito noong nagdaang administrasyon.
Muling nakikilala ang PNP bilang tagapagtanggol ng bansa at kaibigan ng mga mamamayan. Ibang-iba noon na tila hindi mapagkakatiwalaang mga opisyal ang ating kapulisan.
Ngunit, walang kaabog-abog tinanggal at pinalitan si Torre noong Agosto 26, 2025 bilang hepe ng PNP. “Bakit?” tanong ng marami. May mga nagsasabi na tungkol ito sa usapin ng binibiling mga bagong baril para sa kapulisan. Ito kaya ang dahilan ng pagkakatanggal ni Torre? May isyu ding ilegal daw ang ilang ‘appointments’ ni Torre na hindi dumaan sa tamang proseso, kaya lumabag si Torre sa batas. Pero, ano ba talaga ang tunay na dahilan?
Kaya sa ikalawang “Sako, Abo at Ayuno sa Pagbabago”, nagtungo ang Clergy for Good Governance sa Camp Crame upang pasalamatan si General Nicolas Torre III sa kanyang marangal, maprinsipyo at matapang na paglilingkod sa ating bansa. Kasama natin ang 16 na seminarista na nagpapahid ng abo sa mukha, ulo, leeg at braso at ang ilan na nagsuot ng sako bilang mga tanda ng pagpapakumbaba, pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos.
Ginanap ito sa harap ng Gate 2 Camp Crame sa Santolan Road. Tahimik at mahinahon naming naidaos ang pagkilos sa kabila ng halos 30 pulis na may hawak na kalasag. Isinara pa ang dalawang malalaking gate na pawang naghahanda ang mga pulis sa malaki at malawakang pagkilos.
Ngunit, wala kaming ginawa kundi magdasal at magsuot ng sako, magpahid ng abo at mag-ayuno.
Patuloy ang panawagan na magdasal, magpakumbaba, mag-ayuno at magbalik-loob ang bawat Pilipino sa Panginoong Diyos.
Pinakiusapan na rin namin ang mga senador at mahistrado ng Korte Suprema na magsuot din ng sako, magpahid ng abo sa ulo, mukha, leeg at braso bilang tanda ng pag-amin sa kasalan, pagsisisi at kahandaang magbalik-loob sa Diyos.
Ngunit, sila lang ba ang dapat gumawa nito? Sila lang ba ang may pagkukulang, kahinaan at kasalanan?
Hindi ba’t lahat ng kanyang mga kababayan ang sinabihan ng hari ng Nineveh na magsuot ng sako, magpahid ng abo at mag-ayuno upang magbalik-loob sa Diyos sa panahon ni Jonah? Oo, lahat tayo sa Pilipinas, ang bagong Nineveh ang dapat gumawa nito.
Comments