Sala set, TV at ref, pinaiwan ng may-ari… RABIYA, 'DI NAKABAYAD NG BAHAY, ILANG BESES PINALAYAS
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | July 25, 2022

Hindi pala biro ang mga pagsubok at hirap sa buhay na dinaanan ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo noong kabataan niya.
Sa interview sa kanya sa podcast ni Nelson Canlas, ikinuwento ng beauty queen na palipat-lipat daw sila ng tirahan ng kanyang inang single mom at nakababatang kapatid.
“Nag-Grade 1 ako dito sa Manila, nag-Grade 2 ako sa Laguna, nag-Grade 3 ako sa Iloilo.
Napalipat-lipat talaga kami because wala kaming address, wala kaming bahay.
“Nagre-rent lang kami, and kapag hindi nakabayad ng rent, pinapalayas. Ganu'n kahirap 'yung buhay namin,” pagbabahagi niya.
May pagkakataon pa raw na pinalayas sila sa inuupahang bahay sa Laguna at sinabihang kailangan na rin nilang iwan ang kanilang sala set, TV at refrigerator bilang bayad sa utang nilang renta.
“Hindi naman siya traumatic pero more of naaawa ako sa nanay ko. Kasi siyempre, nakikita mo 'yung mama mo, nagmamakaawa para sa inyo.
“Nangungutang kung kani-kanino, sa mga kamag-anak, minsan, hindi na rin tinutulungan. Kasi siguro, ayaw din nilang madamay sa hirap ng buhay namin,” pagre-recall ng beauty queen.
“Bata pa lang ako, namulat na talaga ako sa hirap ng buhay,” sey pa niya.
Pero humanga naman kami sa kanya na kahit mahirap ang buhay ay sinikap niyang makatapos ng pag-aaral. Good thing ay naging full scholar siya sa college. Nagtapos siya na cum laude at pagkatapos ay nakipagsapalaran sa Manila.
“Nakipagsapalaran ako rito kasi kailangan ko pang pag-aralin ang kapatid ko,” aniya.
Isang nakakaantig na kuwento ni Rabiya ay nang sumali na siya sa Miss Universe PH.
“When I competed for Miss Universe Philippines, 'yung mama ko, kailangan niya pang pumunta sa kapitbahay at makinood during my pageant kasi wala kaming TV,” kuwento niya.
Ngayong unti-unti na niyang nakakamit ang tagumpay, inaalay daw niya ang lahat ng ito sa kanyang ina.
“Ngayon, mas inspired ako to do so much better kasi inaalay ko talaga ito sa mom ko. Like siya lang kasi ang mag-isang nagtaguyod sa amin, siya lang, kaya deserve niya lahat.
“Deserve niya lahat ng pagmamahal, lahat ng ginagawa sa buhay, mahal na mahal ko po talaga 'yung nanay ko,” she said.





Comments