Sakripisyo at kabayanihan ni Gat Jose Rizal, muling bigyan ng pagkilala
- BULGAR

- Dec 30, 2020
- 2 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 30, 2020
Ang Disyembre 30 ay national holiday sa ating bansa na taun-taong ipinagdiriwang bilang “Araw ng Kabayanihan ni Dr. Jose Rizal” dahil ang araw na ito ay anibersaryo kung kailan siya pinaslang noong 1896.
Naging isang malalim na tinik sa lalamunan ng mga Kastila si Rizal dahil sa kanyang mga panulat ng paghihimagsik na nagtulak para magkaisa ang mga Pilipino na lumaban na naging dahilan ng maaga niyang kamatayan.
Si Rizal na siyang Pambansang Bayani ng Pilipinas ay gumanap ng napakahagalang papel upang mag-aklas ang ating mga kababayan na magsagawa ng rebolusyon laban sa mga Kastila.
Tuwing sasapit ang Araw ni Rizal ang buong bansa ay inaalala ito sa pamamagitan nang pagbaba ng ating bandila sa kalagitnaan ng poste o half-mast na pinangungunahan ng Pangulo ng Pilipinas sa mismong monumento ni Rizal sa Rizal Park.
Sinasabayan din ito ng pag-aalay ng bulaklak sa Rizal Shrine sa Calamba at sa Rizal Monument sa Baguio City na dinadaluhan din ng mga lokal na opsiyal ng pamahalaan at marami nating kababayan.
Naaalala pa natin noon na may mga pagtatangka na baguhin ang Disyembre 30 na Rizal Day sa kaarawan nitong Hunyo 19 dahil nga sa naiipit ito sa pagitan ng selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.
Mas maganda umano kung ipagdiriwang ang kaarawan ni Rizal sa halip na alalahanin pa ang kanyang kamatayan ngunit sa hindi pa malamang kadahilanan ay humupa ang pagtatangkang ito at hindi na muling naungkat.
Si Rizal na ipinanganak noong Hunyo 19, 1861 sa bayan ng Calamba, Laguna kung saan doon siya lumaki, nagsimulang mag-aral hanggang siya ay maging ganap na doktor at nobelista.
Dalawa sa kanyang pinakapopular na nobela ay ang Noli me Tangere’ na nagsiwalat sa umiiral na katiwalian sa ating bansa sa pangunguna ng mga Kastila at ang sumunod nitong isinulat ay ang ‘El Filibusterismo’.
Ang dalawang magkasunod na librong ito na isinulat ni Rizal ay pinaniniwalaang nagbigay ng malaking impluwensiya upang mawalan ng gana ang ating mga kababayan sa pamununo ng Kastila na humantong sa malaking rebolusyon.
Ang dalawang libro ring ito ay patuloy pa ring binabasa ng ilan sa mga kabataang Pilipino na bahagi ng kanilang pag-aaral ngunit nakalulungkot na marami sa ating kabataan ang halos kulang na ang kaalaman tungkol kay Rizal.
Dahil sa ipinakitang tapang ni Rizal, siya ay inaresto at kalaunan ay nakapiring na pinatay sa pamamagitan ng firing squad sa Bagumbayan field na mas kilala na ngayon sa tawag na Rizal Park sa Manila, sa ganap na alas 7 ng umaga noong Disyembre 30, 1896.
Ang Philippine Commission ang opisyal na nagdeklara na ang Disyembre 30 ay maging Rizal Day na nilagdaan noong Pebrero 1, 1902 at umiiral hanggang sa kasalukuyan.
Si Rizal din ang nagwika na ang “kabataan ang pag-asa ng bayan” ngunit dahil sa droga at masamang elemento sa lipunan ay tumataas ang bilang ng nalilikong landas na mga kabataan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments