Sakay ng Tesla car… COCO AT JULIA, NINONG AT NINANG SA KASAL NG APO NI FPJ NA SI BRIAN

ni Vinia Vivar @Frankly| September 10, 2026

Photo: IG __cocomaaaartin
Pinag-uusapan ngayon sa online world ang pagdalo ng celebrity couple na sina Coco Martin at Julia Montes sa kasal ng anak ni dating Sen. Grace Poe na si Brian Poe Llamanzares with Department of Justice (DOJ) Undersecretary Margarita Gutierrez.
Paano ba naman, dumating at umalis ang dalawa sakay ng mamahaling luxury car na Tesla.
Viral nga ngayon ang video kung saan makikita ang black Tesla na pag-aari ni Coco na siyang sinakyan nila sa pagdalo sa wedding.
Sey nga sa caption ng isang netizen na nag-post, “Angas, Be! Naka-Tesla.”
Sa video ay makikita namang naka-barong si Coco habang si Julia ay nakasuot ng maroon Filipiniana gown.
Samantala, ginanap ang kasal ng apo ni yumaong Fernando Poe, Jr. (SLN) last Tuesday, August 8, sa Mandaluyong.
Sina Coco at Julia ang dalawa sa principal sponsors, along with First Lady Liza Araneta Marcos, Sen. Tito Sotto, Manila Mayor Isko Moreno, Quezon City (QC) Mayor Joy Belmonte, Lance Gokongwei, Ramon Ang, Tessie Sy-Coson, and ABS-CBN executive Cory Vidanes.
Guy, may pa-flowers pa sa premiere night…
MARICEL: MAGIGING DYOWA NI BELA, KAILANGANG APPROVED KO!
Masayang-masaya sina Bela Padilla at Diamond Star Maricel Soriano sa success ng red-carpet premiere night ng pinagsasamahan nilang pelikula na Life After You (LAY), na ginanap last Monday sa SM Megamall.
Ramdam na ramdam nga nila ang love and support ng fans at mga loved ones dahil dinumog ang nasabing premiere night.
Pero sa dami ng sumugod sa sinehan, hindi nakaligtas sa mata ng entertainment press ang pagdalo ng rumored non-showbiz boyfriend ni Bela na si Martin Tan, na may dalang bulaklak habang hinihintay ang pagdating ng aktres sa red carpet.
Kaya naman pagdating ni Bela ay natanong siya kung mayroon ba siyang ka-date at ang sagot niya, “Meron! Si Inay Maria (Maricel) ang date ko tonight. Kaya, magkatabi kami later.”
Sey naman ni Maria, kapag nagka-BF raw si Bela ay malalaman niya.
“‘Pag nagkadyowa si Bela, sasabihin n’ya sa akin. Ay, kailangan, approved ko!” sabi ng Diamond Star.
Ayon naman kay Bela, masarap daw panoorin ang pelikula kung ka-date ang pamilya or dyowa.
“Ang mga ganitong klaseng pelikulang pampamilya, masarap panoorin sa sinehan. ‘Yung sabay-sabay kayong magbibihis, bibili ng popcorn, tapos magde-date kayo ng pamilya n’yo or ng loved one n’yo. Magiging event s’ya,” aniya.
Sa LAY, ginagampanan ni Maricel ang role ni Bella, isang biyuda, ina, at lola na determined na maging bahagi ng buhay ng kanyang apo na si Denise.
Si Bela naman ay gumaganap bilang Joey, isang devoted sister at aunt na isinantabi ang kanyang sariling mga pangarap upang alagaan ang kanyang pamangkin.
Si Dani Zee ang gumaganap bilang Denise, pamangkin ni Joey at anak ni Dianne, na ginagampanan ni Ryza Cenon. Si Denise ay apo rin ni Bella sa pamamagitan ng kanyang anak na si Carl, played by Marlo Mortel, na tumatangging kilalanin si Denise bilang kanyang anak.
Directed by Marla Ancheta, ang Life After You ay pelikula tungkol sa family, forgiveness, sacrifice, at second chances—isang story na maaaring magpaalala sa mga viewers kung gaano kahalaga ang pagmamahal at pag-unawa sa loob ng isang pamilya.





Comments