Sakalam, pinasaya ang mga dehadista
- BULGAR
- Jun 22, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | June 22, 2023
Nagsaya ang mga dehadista matapos manalo ni Sakalam sa naganap na PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas, Martes ng gabi.
Kumaripas sa largahan si Sakalam upang hawakan ang bandera subalit hindi naging madali sa winning horse ang pagbaybay sa unahan dahil binubuliglig siya nina Janni Banni at Buwayang Bato.
Nagpatuloy ang matinding bakbakan nina Sakalam, Janni Banni at Buwayang Bato pero pagdating ng huling kurbada ay nakihalo na rin sa kanila ang rumeremateng Rockaway.
Nagkapanabayan ang apat na nabanggit na kabayo sa rektahan subalit sa huling isang daang metro ng laban ay umungos na ng bahagya ang Sakalam.
Sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patty Ramos Dilema, tinawid ni Sakalam ang meta ng may kalahating kabayong agwat sa pumangalawang si Buwayang Bato.
Nilista ni Sakalam ang tiyempong 1:13.6 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ang added prize na P10,000 ng winning horse owner na si AK Castro.
Tumersero si Rockaway, pumang-apat si Janni Banni sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, siyam na karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya naman naging masaya ang pananaya ng mga karerista.
Hinahanda naman si Sakalam sa susunod niyang takbo upang makaulit ng panalo.





Comments