Sakalam, mahusay sa 3-YO Maiden Race
- BULGAR
- Feb 11, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | February 11, 2023
Ipinakita ni Sakalam ang kanyang husay matapos manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar, Tanauan City, Batangas noong Miyerkules ng gabi.
Sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema, inirehistro ni Sakalam ang tiyempong 1:13 sa 1,200 meter race.
Sinunggaban agad ng anak nina Sakima at Don't Tell Ella na si Sakalam ang unahan sa largahan pero kinapitan siya ni Top Of The Line.
Hindi nakitaan ng kahinaan si Sakalam kahit hanggang rektahan siya binubuliglig ni Top Of The Line.
Sa huling 150 metro ng karera ay iniwanan na ni Sakalam ang makulit na si Top Of The Line para tawirin ang meta ng may dalawang kabayo ang agwat.
Dumating na tersero si Marikit habang pumang-apat si Kingwash Pogi Bato na ginabayan ni apprentice rider MP Canete sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Sinilo ni jockey Dilema ang back-to-back wins nang gabayan niito si Oktubre Katorse sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa Race 2.
Inilista ni Oktubre Katorse ang impresibong tiyempo na 1:11 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ang P10,000 added prize para sa winning horse owner.
Nagbigay ng dibidendong P28.50 kada limang pisong taya sa daily double sa kombinasyong Sakalam-Oktubre Katorse (4/5).





Comments