Saka na ang pulitika; magkaisa para wakasan ang pandemya
- BULGAR
- Jul 9, 2021
- 3 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 09, 2021
Tulad ni Pangulong Rodrigo Duterte, bagama’t napapagod tayo sa sitwasyon ngayon, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Hindi tayo titigil upang sabay-sabay nating mapagtagumpayan ang pagsubok na ito.
Ito rin ang rason kung bakit ginagawa natin ang lahat upang proteksiyunan ang buhay at kapakanan ng bawat isa. Nakakawala ng pagod ‘yung pakiramdam na nakatutulong sa kapwa.
Dahil dito, walang tigil ang serbisyo ng ating opisina upang makapaglingkod sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong. Noong July 3-8, 2021 ay binisita natin ang mga kapatid na tinamaan ng iba’t ibang krisis at lalong naghirap dahil sa pandemya.
Personal tayong namahagi ng assistance sa 154 na pamilya na nawalan ng tirahan nang dahil sa sunog sa Cainta, Rizal. Tinulungan din natin ang 62 na pamilya sa Parañaque City; sampung pamilya sa Taguig City; 67 na pamilya sa Pasay City; 75 na residente sa Cagayan de Oro City; dalawang pamilya sa Bacoor City, Cavite at lima naman na residente mula sa San Francisco at Bunawan, Agusan del Sur na nasunugan din.
Sinuyod din natin ang mga komunidad na naapektuhan ng mga sakuna upang tulungan silang makabangon, tulad ng 56 katao na biktima ng Typhoon Vicky sa Bunawan at Sibagat, Agusan del Sur.
Sa linggong ito, nag-abot din tayo ng tulong sa higit isang libong mahihirap na miyembro ng komunidad sa Loreto, Dinagat Islands; 1,790 tricycle drivers at 204 na manggagawa sa Caloocan City; 200 na magsasaka at mangingisda sa Del Carmen at Socorro, Surigao del Norte; mahigit 1,000 kataong may mga kapansanan o karamdaman sa Guiguinto, Bulacan; at 993 indigents sa Limay, Bataan.
Nagbukas din tayo ng dalawang Malasakit Center nitong nakaraang mga araw — sa Mindanao Central Sanitarium sa Pasobolong, Zamboanga City at Southern Tagalog Regional Hospital sa Bacoor City, Cavite — kung saan nagbigay din kami ng dagdag-suporta sa mga pasyente at medical frontliners doon.
Sa ating pag-iikot, namahagi tayo ng iba’t ibang tulong at proteksiyon laban sa COVID-19 habang sinisiguradong nasusunod palagi ang mga patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Kasama natin ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na nakikipagtulungan upang magkaloob ng mga benepisyo base sa kanilang programa.
Bukod sa tulong at serbisyo sa mga taong nangangailangan, hindi rin natitinag ang ating determinasyon na tulungan si Pangulong Duterte at ang gobyernong ito na malampasan ang pandemyang ating sinusubukang wakasan.
Hinihikayat natin ang mga hindi pa nababakunahan na miyembro ng priority groups na magparehistro at magpabakuna na. Kung mas maraming mababakunahan, mas bababa ang kaso ng nagkakaroon ng malubhang sakit, mas mapapanatili nating maayos ang ating pampublikong serbisyong pangkalusugan, unti-unti ring luluwag ang mga patakaran, at mas mabilis tayong makababalik sa normal na pamumuhay.
Bagama’t patuloy ang pagbabakuna sa buong bansa, hinihikayat natin ang mga awtoridad na siguraduhing hindi mapababayaan ang mga malalayo at liblib na lugar. Suyurin natin ang mga komunidad, lalo na sa maraming mahihirap upang masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon.
Huwag tayong magpakakumpiyansa dahil delikado ang panahon, lalo na ngayon na may mga bagong variants ng COVID-19 na umuusbong na sinasabing mas nakahahawa o mas nakamamatay. Paigtingin natin ang kooperasyon at bayanihan upang tuluy-tuloy nang bumaba ang mga kaso ng nagkakasakit at maiwasan nang bumalik pa tayo sa mahihigpit na mga patakaran na nakaaapekto sa ating kabuhayan.
Higit sa lahat, huwag sana tayong malihis ng landas lalo na’t nakikita na nating may katapusan din ang krisis. Samantala, paparating na ang eleksiyon sa susunod na taon, ngunit hindi ito dapat maging rason para magkawatak-watak tayo o mawala ang ating pokus sa ating iisang hangarin na maitawid ang ating mga kababayan tungo sa mas maginhawang buhay.
Unahin natin ang kapakanan ng ating mga kababayan kaysa ang sarili. Pagtuunan natin ng pansin ang usaping bakuna bago ang usaping pulitika. Solusyon kontra COVID-19 muna bago ang preparasyon sa susunod pa na eleksiyon. Higit sa lahat, labanan natin ang pandemya, hindi ang isa’t isa.
May tamang oras para sa lahat ng mga bagay. Darating din tayo riyan. Ang importante ngayon ay malampasan muna ang pandemya, dahil kung hindi — kung patuloy na malalagay sa peligro ang buhay ng mga Pilipino — huwag sanang dumating ang panahon na wala na tayong pulitikang pag-uusapan pa. Serbisyo muna bago ang lahat, mga kababayan ko!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments