Saint Clare, nakapuntos sa Game 1 ng NAASCU Finals
ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 22, 2022

Nakuha ng defending champion Saint Clare College of Caloocan matapos itakas ang Game 1 ng seryeng best-of-three ng 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Seniors Basketball Tournament laban sa naghahamon Enderun Colleges, 53-51, sa Novadeci Convention Center sa Novaliches. Bumida si Johnsherick Estrada sa buong laro lalo na sa huling mga segundo at isang tagumpay na lang ang kailangan para sa ika-5 sunod na kampeonato at kabuuang pang-6ng paaralan sa kasaysayan ng liga.
Pumukol ng 3-points si Jolo Sumagaysay na may 3:51 nalalabi upang itayo ang pinakamalaking lamang ng Saints, 52-42, subalit hindi tumiklop ang Titans at bumanat ng siyam na sunod-sunod na puntos buhat kay Pierre Marie Kouakou, Francisco Tancioco at Karl Baclay upang magbanta na may 25 segundo sa orasan, 51-52. Dahil wala pa sa penalty, napilitang mamigay ng apat na sunod-sunod na foul ang Enderun upang mapigil ang oras hanggang patirahin si Estrada na may 10 segundo nalalabi.
Naipasok ni Estrada ang unang free throw upang madoble ang lamang, 53-51, subalit nagmintis ang pangalawa at nakuha ni Robert Castro ng Titans ang rebound. Tuluyang naipasa ang bola sa naghihintay na si Baclay subalit hindi siya nakatira sabay tunog ng huling busina.
“Inisip ko na babawi po ako at dinepensahan ko agad si Castro pagkakuha niya ng bola,” wika ni Estrada. “Sa tingin ko po napabuti din ang mintis kasi hindi nakatawag ng timeout ang Enderun at gumawa ng play.”
Nahirang na Best Player si Estrada sa kanyang double-double na 13 puntos at 11 rebound. Sinundan siya ng reserbang si Bam Lopez na may 8 puntos at 8 rebound.
Naitala ni Kouakou ang karaniwang numero na 15 puntos at 17 rebound. Nag-ambag ng 10 puntos si Francisco Tancioco.
Mga laro ngayon – Novadeci Convention Center.
2:00 p.m. Our Lady of Fatima vs. AMA (para 3rd) 4:00 p.m. Enderun vs. St. Clare (Finals).





Comments