Saguiguit bagong coach ng NCAA-UPHSD Altas

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 4, 2020

Hindi na naghanap sa malayo at itinalaga ng University of Perpetual Help System-Dalta si Coach Michael Saguiguit bilang bago nitong head coach ng Altas para sa darating na National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 96. Si Coach Saguiguit ay dating coach ng Junior Altas at nagsilbing assistant sa nagbitiw na si Coach Frankie Lim.
Simula pa noong Setyembre ay sabay hinawakan na ni Coach Saguiguit ang Altas at Junior Altas matapos mawala si Coach Lim. Pormal lang siyang itinalaga ng paaralan bilang head coach noong Martes ng gabi.
Noong nakaraang NCAA, nagtapos ang Altas na may kartadang 5-13 panalo-talo. Sa kalagitnaan ng torneo, lumiban si Coach Lim ng ilang laro at pinahawak ang koponan kay Coach Saguiguit bago siya bumalik.
Hamon ngayon para sa Altas na makabalik sa Final Four at patuloy hanapin ang kanilang unang kampeonato buhat ng sila ay lumahok sa NCAA. Ilan sa mga magbabalik na beterano para sa Altas ay sina kapitan Benedict Adamos, Rey Anthony Peralta at Jielo Razon habang may mga aakyat mula sa Junior Altas.
Samantala, nagtapos ang Junior Altas na may kartadang 7-11. Ang dating assistant coach na si Joph Cleopas ang papasok na bagong head coach upang makatutok si Coach Saguiguit sa Seniors.
Unang nakilala si Coach Saguiguit sa matagumpay na programa ng Olivarez College kung saan naglaro rin siya noong kanyang kabataan. Sa kanyang gabay, nagkampeon ang Sea Lions ng tatlong beses sa National Capital Region Athletic Association (NCRAA) noong 2010, 2013 at 2018 at isa sa malakas na paaralan sa Universities and Colleges Basketball League (UCBL).





Comments