Safe sa ospital — Castro... Kulong kay Romualdez, 'di puwedeng ipilit

ni Mylene Alfonso @News | September 10, 2026

Photo: PNP-CIDG
Iginiit ng Malacañang na hindi maaaring pilitin na dalhin agad sa kulungan si dating Speaker Martin Romualdez dahil may abiso mula sa mga doktor na hindi pa ligtas na ilabas siya ng ospital.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, kailangang igalang ng mga awtoridad ang sertipikasyon ng mga doktor, habang mahigpit namang binabantayan ng Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang dating opisyal sa ospital.
“Sa mga kritiko, hindi mawawala ang kritisismo, pero hindi natin mapipigil ang mga doktor kung ano ang nakikita nilang health condition ng isang akusado. Hindi naman din maipipilit ng PNP o ng pamunuan ng DILG na dalhin agad ang isang akusado na nasertipikahan na hindi pa nararapat na tanggalin or i-remove from the hospital,” pahayag ni Castro.
Binigyang-diin din niya na dapat bigyan ng benefit of the doubt ang mga doktor at hindi nangangahulugang nakakaiwas sa pananagutan si Romualdez, dahil nananatili siyang nasa kustodiya ng mga awtoridad habang ginagamot.
“But still, nakita naman po natin kung ano ang ginawa ng pamunuan ng DILG at PNP, nandyan pa rin po at kung nasa ospital naman po iyan, hindi naman po siguro iyan makakatakas,” pagtatapos ni Castro.
Nabatid na naka-confine si Romualdez sa isang pribadong ospital sa San Juan City nang ihain doon ng mga awtoridad ang kanyang arrest warrant noong Lunes ng gabi.
Naghain ang Office of the Ombudsman ng kasong plunder na nagkakahalaga ng P7.4 bilyon laban kina Romualdez, dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, at sa iba pa kaugnay ng flood control scam.





Comments