SABRINA, BINIGYAN NG 3 DAYS PARA MAGSORI, IDEDEMANDA SA PAG-AMING NAGING SILA NI RICO
- BULGAR
- Jul 14, 2023
- 3 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | July 14, 2023

Ano kaya ang pipiliin ng dating sexy star na si Sabrina M. — demanda o public apology?
Ito ang isa sa mga topics ng programang Cristy Ferminute nina Nanay Cristy Fermin at Romel Chika kahapon nang tanghali na napakinggan sa Radyo5 92.3 TRUE FM at napanood naman sa One PH YouTube channel.
Live guest ng CFM ang kaibigan at confidante ni Claudine Barretto na si Atty. Ferdinand Topacio. Ayon sa abogado, libelous ang mga pinagsasabi ni Sabrina M. na naging karelasyon niya si Rico Yan at aware raw rito si Claudine.
Kaya’t natanong ni ‘Nay Cristy kung posibleng idemanda ni Claudine ang dating sexy actress.
Ayon kay Atty. Topacio ay maaaring idemanda si Sabrina ng ibang tao kung ayaw itong gawin ni Claudine.
“Opo, marami nga pong nagsasabi sa akin tungkol dito, at kanina lang, minarapat kong tingnan ‘yung video na sinabi ni Sabrina M. na sila raw ay nagkaroon ng relasyon ni Rico Yan.
“Ang sabi po ng narrative ni Sabrina ay naging sila ni Rico Yan after ni Claudine at itinago nila ito dahil nga siya ay sexy star. After daw ni Claudine ay taon sila (bilang magkarelasyon) pero kung titingnan n’yo po ‘yung timeline ng relasyon nina Claudine at Rico Yan, imposible pong naging several years sila, Nanay Cristy,” paliwanag ng abogado na paputul-putol ang linya.
Ang paliwanag ni Nanay Cristy ay si Atty. Topacio ang gagawa ng paraan para kasuhan si Sabrina M. kapag hindi ito humingi ng public apology kay Claudine at sa pamilya ni Rico Yan.
Sabi pa ng abogado ay kahit opisyal nang naghiwalay sina Rico at Claudine noong Disyembre, 2001 ay nanatili silang magkaibigan at dapat nga ay kasama rin ang aktres sa pinuntahan noon ng aktor kasama ang mga kaibigan sa Palawan, ngunit hindi lang sumama si Clau dahil nag-away silang dalawa.
Isa pang butas kaya’t puwedeng kasuhan si Sabrina M., ayon kay Atty. Topacio, “Pinapalabas po kasi ni Sabrina M. na si Rico Yan ay two-timer at alam naman daw ni Claudine. Kung alam ito ni Claudine ay napakababa naman ng moralidad ni Claudine na pumapayag siya na dalawa sila sa buhay ni Rico Yan?”
Dagdag pa nito, “Tayo naman ay mga Kristiyano at para hindi na lumala ang usapang ito ay mag-sorry siya in public kasi kasiraan ‘yung sinabi niya (Sabrina) in public. Mag-apologize ka na lang, Sabrina, since iisang mundo lang ang ginagalawan natin at ‘wag naman tayong gumamit ng taong wala na rito sa mundo, hindi niya maipagtanggol ang kanyang sarili dahil wala na siya.
“Will give you three days hanggang Linggo, Sabrina. Marami namang talk shows, please mag-sorry ka na lang kay Claudine, mag-sorry ka sa pamilya ni Rico Yan, mag-sorry ka sa alaala ni Rico Yan. Tapusin na natin ito, otherwise, much to our regret ay kailangan po kaming kumilos sa paraang legal.”
Abangan ang public apology ni Sabrina M. hanggang Linggo.

Nanindigan ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na puwedeng ipalabas ang Barbie sa mga sinehan. Ito ay pagkatapos nilang ma-review ang naturang pelikula nang dalawang beses.
Kung matatandaan, may panawagan ang isang mambabatas na i-ban sa 'Pinas ang pelikulang Barbie dahil sa isang eksena rito na nagpapakita ng "nine-dash line" claim ng Chinese government sa kanilang militaristic expansion sa kabuuan ng South China Sea region at kasama rito ang ilang sakop ng West Philippine Sea.
Base sa ipinadalang release mula sa opisina ni MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio, “Matapos magsagawa nang dalawang review sessions, komprehensibong pagpupulong, at konsultasyon sa mga konektadong ahensiya ng pamahalaan, at eksperto sa West Philippine Sea, binigyan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pelikulang Barbie ng Parental Guidance o “PG” rating na nangangahulugang ang mga manonood na wala pang labingtatlong (13) taong gulang ay kinakailangang may kasamang magulang o tagapag-alaga upang makanood ng naturang pelikula.
“Batay sa desisyon ng Review Committee, ang konteksto ng pagpapakita ng cartoonish map ng karakter na “Weird Barbie” sa pelikula ay hindi naglalarawan ng “nine-dash line”. Sa halip, ipinakita ng mapa ang landas ng kathang-isip na paglalakbay ni Barbie mula sa Barbie Land patungong “real world” bilang mahalagang bahagi ng kuwento.
“Tiniyak ng Board na ginawa nito ang lahat upang makabuo nang maayos na desisyon. Mariing binalaan ng Board ang lahat ng filmmakers, producers, at distributors na hindi mag-aatubili ang MTRCB na parusahan at/o ipagbawal ang mga pelikulang nagpapakita ng “nine-dash line” dahil ito ay labag sa batas, ayon sa Section 3 (c)(d) ng Presidential Decree No. 1986 at ng Republic Act No. 9522 o kilala bilang Philippine Baselines Law, at ang South China Sea Arbitration Award ng Permanent Court of Arbitration, na siyang anibersaryo ay ipinagdiriwang natin sa araw na ito (July 12).”





Comments