Sabik na sabik sa pag-asang dala ni P-BBM
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 1, 2022
Makasaysayan ang naganap na inagurasyon kahapon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.(PBBM), na tinutukan ng buong sambayanan at ang ipinagpapasalamat natin sa Langit ay naroon tayo mismo at nasaksihan ang panibagong yugto ng kasaysayang ito.
Hindi lingid sa marami ang pinagdaanan ng Pamilya Marcos na biglang-bigla ay nagbalik sa ating alaala ang lahat at ang mahabang panahong nagdaan ay tila kahapon lang at ngayon ay heto at muli silang ibinalik sa poder ng mga Pilipino.
Kasama nating dumalo sa inagurasyon sa National Museum ang maybahay na si Cavite Second District Representative Lani Mercado-Revilla at kabilang kami sa may 1,500 bisita, kabilang ng mga foreign dignitaries na ilang metro lamang ang layo sa kinauupuan ni PBBM at ng kanyang pamilya.
Iba’t iba ang pakiramdam sa dinami-dami ng inagurasyong ating dinaluhan dahil dama-dama sa mismong lugar ang pagmamahal ng mga tao kay PBBM at hindi kayang bayaran ang mga ngiting namumutawi sa mukha ng mga nagsidalo.
Hindi pa man dumarating sa pinagdausan ng inagurasyon si PBBM ay kitang-kita na sa mga taong nagsidalo ang pananabik na hindi tumitigil sa paghiyaw at pagbibigay ng paulit-ulit na palakpak sa tuwing may dumarating na kilalang bisita.
Ayon sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga tagasuportang nagsidalo ay hindi umano baba sa 30,000 katao na nakapuwesto sa Intramuros Golf Course at ang ilan ay sa kalapit na bahagi ng entablado.
Bago magtanghali ay medyo tensionado na ang lahat dahil wala pa si PBBM ng mga oras na iyon at ang kalangitan ay medyo kinakitaan ng pagdidilim dahil nga sa banta ng pag-ulan na inanunsyong bubuhos maghapon.
Isang araw kasi bago ang inagurasyon ay inanunsyo ng Philippines Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na 90% umanong bubuhos ang ulan bandang tanghali hanggang gabi na.
Ngunit nabasag ang katahimikan nang dumating na si PBBM at hindi na magkamayaw ang mga tao, lalo na nang tugtugin ang ‘Pilipinas Kong Mahal’ na parang nagbalik tayo sa kabataan at parang kailan lang ang lahat.
Muli ay nagkaroon ng katahimikan ng awitin ni Toni Gonzaga ang Lupang Hinirang na dinig na dinig natin ang unti-unting paglakas ng sama-samang tinig na sumasabay kay Toni na talagang nakakapangilabot.
Napakalawak ng pinagdausan ng inagurasyon ngunit lahat ay tahimik na nakikinig habang inuusal ni PBBM ang mga kataga sa kanyang panunumpa habang nakataas ang kanang kamay sa harap ng publiko hanggang sa magbigay na ito ng kaniyang talumpati.
“Pangarap n’yo ay pangarap ko” Ito ang tumatak sa kabuuan ng kanyang talumpati na sinimulan niya kung bakit hindi siya nakipagtunggali sa mga naging kalaban niya noong nakaraang halalan.
Sinabi ni PBBM na mas minabuti niyang makinig at maghanap ng mga solusyon sa hinaing ng marami nating kababayan na kailangang tugunan ang mga pangangailangan upang mas makatayong muli ng mas malakas ng sama-sama.
Tiniyak ni PBBM na magiging bukas siya sa anumang suhestiyon na makatutulong para sa ikauunlad ng bansa dahil ang mga solusyon na nakuha umano natin sa labas ng bansa ay nagresulta lamang sa pagkakahati-hati at pagkakawatak-watak.
Muli ay pinagdiinan ni PBBM ang pagkakaisa na tanging solusyon umano para muli tayong makabangon kasabay nang paghikayat niya sa bawat isa na maging bahagi ng solusyon sa mga kahaharapin pa nating pagsubok.
Ipinamalas din ni PBBM ang labis nitong tiwala kay Vice-President Sara Duterte na mas maisasaayos pa nito ang Department of Education (DepEd) na isa sa umani ng malakas at mahabang palakpakan.
Sinabi rin ni PBBM na hindi niya kailangan ng kredito sa mga proyekto at handa niyang ituloy ang mga programa hinggil sa build, build program ng nagdaang administrasyon na pangunahing adhikain din umano ng namapayapa niyang ama.
Binanggit din ni PBBM na kung sakaling dumating ang panahon na masadlak siya sa sitwasyon na kailangan niyang magdesisyon ng mabigat ay huwag umanong matakot ang sambayanan dahil pag-iisipan umano niya itong mabuti.
At sa bawat desisyon umano na kanyang gagawin ay palagi niyang paghuhugutan ng desisyon ang milyun-milyong Pilipino na nagluklok sa kaniya at nagtiwala para maging Pangulo ng bansa.
Ipinaliwanag din ni PBBM kung bakit napakapositibo niya at kung bakit buo ang kanyang loob na kaya niyang maisaayos at mapaunlad ang ating bansa dahil sa mayroon umano siyang 110 milyong kadahilanan para magsimula.
Kitang-kita sa mukha ni PBBM na handang-handa na siya para simulan ang kanyang tungkulin at kahapon ay opisyal na siyang ika-17 Pangulo ng bansa at umaasa ang lahat na simula na ito ng magandag bukas.
Sa kabuuan ay payapa at tagumpay ang naturang inagurasyon at dahil ‘yan sa mas pinili ng marami nating kababayan na magkaisa tulad ng panahon na nakisama hanggang sa huli.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments