top of page

‘Sa Tondo ay may langit din’…

  • BULGAR
  • Jul 11, 2021
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| July 11, 2021


Matagal-tagal na tayong hindi nakadadalaw sa Tondo. Napakayaman ng Tondo sa maraming bagay. Mayaman ito sa kasaysayan, pulitika, sining, relihiyon, kabuhayan, sari-saring istorya tungkol sa mga lugar at pugad ng mga kriminal at pugante sa batas, at marami pang iba.


Ito ang Tondo nina Lakandula, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Macario Sakay, Pancho Villa, Amado Hernandez; Jose Palma; Rolando Tinio; Chichay; Fr. Ruben Villote; Canuplin; Dolphy; Arnel Pineda, at napakarami pang iba.


Ipinanganak tayo sa Mary Jonston Hospital na nasa Tondo, hindi kalayuan sa Santo Niño Shrine sa Tondo. Lumaki tayo sa Dimasalang, malapit sa UST at lumipat sa Malabon hanggang sa ngayon. Kapwa taga-Maynila ang aking mga magulang. Taga-Dimasalang ang aking ama, habang taga-Daang-Bakal, Santa Cruz Manila, malapit sa Tondo naman ang aking ina.


Dahil dito, tuwang-tuwa tayo noong nakaraang Huwebes ng gabi nang sunduin tayo ng kaibigan para magmisa sa kanyang tiyuhing taga-Tondo. Dinaanan namin ang Sementeryong Norte sa La Loma at tuluy-tuloy na kami sa North Cemetery; Chinese General Hospital; Blumentritt; Tayuman; Juan Luna; Velasquez Highway hanggang sa makarating sa tahanan ng kanyang yumaong tiyuhin.


Sa aking omeliya, binigyang-pansin natin ang kakaibang tunog at dating ng Tondo sa tainga ng mga taga-Tondo at hindi taga-Tondo. Para sa mga hindi taga-Tondo, kapag narinig nila ang “Tondo”, naiisip agad ang mga manghahablot ng cellphone, rugby kids, user at pusher ng ilegal na droga, ‘kababaihang mababa ang lipad’, pugante sa batas na nagtatago, smuggler, guns for hire at napakarami pang iba’t ibang uri ng tao na tila kakambal ng dilim.


Subalit kung ikaw ay taga-Tondo, at iyong nabasa na ang nobelang ‘Sa Tondo May Langit’ din ni Andres Cristobal Cruz, iba ang iyong sasabihin. Naantig ang aking damdamin sa pagbabahagi ng biyuda ng namatay na Roberto rin ang pangalan. Sabi ng biyuda, “Sinabihan ko na ang aking anak na nasa ibang bansa, kung meron naman siyang natatabing halag, kung maaari lang ay umalis na kami ng Tondo. Ngunit, hindi pumayag ang aming kaisa-isang anak. “D’yan ako lumaki. D’yan ako nag-aral, nagkaroon ng mga kaibigan, namulat sa buhay. Hindi tayo aalis ng Tondo nanay. D’yan tayo mananatili,” sagot ng kanyang anak.


Napapaluha ang biyuda habang nagbabahagi ito tungkol sa kanyang yumaong mister at tungkol sa sinabi ng kanyang anak tungkol sa Tondo. Ang kanyang mister ay patay na, ngunit ang Tondo ay buhay na buhay at mananatiling buhay para sa mga taga-Tondo — buhay man o patay ang mga ito.


Maraming ala-ala ng nakaraan ang buhay na buhay pa sa kamalayan ng marami. Buhay na buhay pa rin ang panahon ng aking kabataan: ng malinis na Roxas Boulevard na wala pang tone-toneladang basura galing sa kung saan-saan; ng magalang na mga kabataan na marunong mag-po sa mga nakatatanda at kund hindi man ay hindi marunong magmura; ng kagalang-galang na kapulisan na nagbibigay-proteksiyon at marangal na halimbawa sa mamayan; ng mga sundalong handang ipaglaban kahit kailan, kahit saan, kahit sino ang kalaban ang soberanya at integridad ng Inang Bayan; ng mga pulitiko saanmang antas ng pamahalaan mula barangay hanggang Malacañang na maituturing na mga tunay na “Statesmen and Women” (i.e. estadista sa Pilipino) o kagalang-galang at iginagalang na lider ng pamahalaan dahil sa paggamit at pagsunod sa prinsipyo; karunungan; etika at ang malawak na pakikinig at dayalogo sa lahat ng sektor ng lipunan; ng simbahang walang takot at kompromiso sa harap ng katiwalian at kasamaan, na merong lider, tulad ni Cardinal Jaime Sin na hindi takot at handang magsalita tungkol sa ebanghelyo ni HesuKristo, ng katotohanan at katarungan sa lahat ng oras; ng nagkakaisang taumbayan na kayang iisang-tabi ang pagkakaiba upang sama-samang labanan ang mabigat at lubhang masamang kalaban… Hindi lang sa Tondo merong Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at Macario Sakay… Naririto rin, kasama natin ngayon ang mga makabagong bayani.


Marahil, hindi tabak at baril ang kanilang sandata, kundi ang gising, mulat a matalas na isipan, buhay at matatatag na konsensiya, matapang at malinaw na isip, diwa at puso na sa lahat na oras handang isulat at ipahayag ang katotohanang magpapalaya.


Salamat sa Tondo. Salamat sa katotohanan, katarungan, kalayaan. Salamat sa kabayanihan at kabanalan. Amen.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page