Sa pandemya makikita ang tunay na malasakit ng lider ng bansa
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| March 20, 2021
Ano ang kahulugan at kahalagahan ng anibersaryo? Ang anibersaryo ay muling nagmamarka ng malalim na pagbabago na naganap sa buhay ng indibidwal o grupo dahil sa mahalagang kaganapan — binabago ng kasal ang buhay ng bagong mag-asawa, samantala binubuksan naman ng graduation ang malawak na mundo para sa mapalad na nagsipagtapos ng kurso.
Noong ika-18 ng Marso 1982, tinanggap natin kasama at tatlo pang kasama ang sakramento ng Ordinasyon bilang pari. Sa pagpatong ng kamay Arsobispo Bruno Torpigliani sa ulo ng apat na seminarista: Fidel Apalisoc; Cesar Macariola; Edwin Mercado at Robert Reyes kami ay naging mga pari ni Kristo. At dumaan na ang 39 taon mula noong napakahalagang araw ng aming mga buhay. Bagama’t nagkaka-edad na, tuloy pa rin ang masiglang paglilingkod sa Diyos at sa kanyang bayan. Walang sawa, walang kupas at walang takot na paglilingkod ang patuloy na ibinibigay pa rin sa Diyos.
Naalala natin ang motto ni Santa Teresa ng Kolkatta na nagsabing, “Gumawa ng maganda para sa Diyos.” (Do something beautiful for God.) Para sa santa, mahalaga ang bawat pagkakataon upang gumawa ng mabuti at maganda para sa Diyos — walang maliit at walang halaga.
Sa nagdaang 39 taon ng paglilingkod natin bilang pari, higit na naging malinaw ang ginagawa at walang sawang paggamit ng Diyos sa atin at sa mga kasamang pari para sa kapakanan ng iba.
Tulad ni Santa Teresa ng Kolkata, tayo ay instrumento ng kabutihan at kagandahan ng Diyos. Kung gagawin lang ng bawat isa ang anumang makatutulong, makababawas sa paghihirap ng kanyang kapwa, malaki ang mababawas sa pagdurusa ng mundo.
Madaling bigkasin ang mga bilang ng COVID cases, ngunit iba kapag meron kang kaibigan, kamag-anak o baka ikaw mismo ay naging biktima nito. Magkakaiba ang karanasan ng impeksiyon, ayon sa kakayahang lumaban at tumugon sa banta ng virus. Merong lubhang nahihirapan dahil sa hirap ng buhay. Merong hindi ganu’n kahirap dahil merong kapasidad na tustusan ang mga gastusin at pangangailangan ng impeksiyon. ‘Ika nga, naiiba ang usapan kapag naging personal na ito.
Hindi maliit na bagay ang sitwasyong dulot ng COVID-19, isa itong malaking pagkakataon na maaaring gamitin upang muling mabuo at lumakas tayo bilang bansa. Isa rin itong ginintuang pagkakataon kung saan makikita natin ang tunay na malasakit at paglilingkod ng mga namumuno sa bansa sa kanilang nasasakupan.





Comments