Sa panahon ng dilim, mas namumulat ang mga mata
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 06, 2021
Mahigit dalawang taon na kaming nag-uusap at nagtutulungan ni Willy Tadeo Layug, kilalang iskultor ng Betis, Pampanga. Simula pa noong Oktubre 2019, iminungkahi ko na kay Willy ang paglikha ng kakaibang krusipiho (krus na may katawan ni HesuKristo) bilang partikular na ambag sa pagdiriwang ng 500-taon ng Kristiyanismo sa ating bansa.
Sinimulan agad ni Willy ang pagguhit ng iba't ibang krusipiho hanggang sa napagkasunduang namin ang pinaka-makabuluhan sa mga ito.
Isang “wall cross” o krusipihong isasabit sa pader ang iginuhit ni Willy.
Sa ibabaw ng katawan ni HesuKristo ay ang araw habang ang magkabila nitong kamay ay may tig-iisang bituin, sa ilalim ng paa nito ay ang Ave Maria na simbolo ng Mahal na Inang Maria at sa ilalim nito ay ang pangatlong bituin. Malinaw na sinasagisag ng araw at tatlong bituin ang ating bansa. Subalit merong kakaibang detalye na hindi agad napapansin, ngunit sa sandaling ito'y mapansin ay daragsa ang maraming tanong at damdamin.
Nawawala ang mga kamay at paa ni HesuKristo. Bakit? Ano ang ibig sabihin nito? Noong una kong nakita ang nawawalang mga kamay at paa, tinanong ko agad si Willy kung ano ang ibig sabihin nito. Hindi siya agad sumagot. Pero nang sumagot ito, hindi madali at hindi tuwiran ang kanyang sagot. “Hindi ko masasabi kung ano ang ibig sabihin ng nawawalang mga kamay at paa ng Panginoon. Bahala na bumuo ng pananaw o opinyon ang tumitingin. Hindi trabaho ng artist ang magpaliwanag -- iba ang aming papel.”
Ano nga kaya ang papel ng manlilikha, lalo na ngayong panahon ng pandemya, panahon ng lubhang kadiliman, kawalan at kalungkutan?
Nagkataong tungkol sa dalawang bulag ang ebanghelyo noong Biyernes,
“Noong panahong iyon, pag-alis ni HesuKristo sa lugar na iyon, sinundan-sundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila na ang wika, “Anak ni David, mahabag kayo sa amin!
Pagpasok ni Hesus sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Hesus, “Naniniwala ba kayo na magagawa ko ito?” “Opo, Panginoon”, sagot nila. At hinipo niya ang kanilang mga mata, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong paniniwala.” (Mt 9:27-31)
Ganun ang tindi ng pagnanais ng dalawang bulag na gumaling. Ganun na lang kabilis nilang naramdaman ang pagdating ni HesuKristo. Kahit hindi nila siya nakikita, kapwa silang sumigaw at nagmakaawang pagalingin sila. Dahil na rin sa tagal ng kanilang pagiging bulag, nahasa at higit na napatalas nila ang iba pa nilang sentido. Maaaring higit na matalas ang kanilang pandinig, pang-amoy at pakiramdam o kutob.
Natanong ko kay Willy kung merong nagawang mabuti ang pandemya para sa ating paningin?
Meron bang naturang “pandemic vision”? O, isang uri o antas ng pagtingin na pinatalas, pinalakas at pinalalim ng pandemya? Hindi kaya nagkaroon ng mas matalas, mas sensitibong paningin, pananaw at pakiramdam ang marami dahil sa patuloy na nangyayari sa ating kapaligiran?
Binabalik-balikan ko ang isa sa paborito kong kasabihan mula kay Theodore Roethke: “In a dark time, the eye begins to see.” (Sa panahong madilim, mamumulat ang mga mata!”





Comments