Sa matinding pagbabantay, walang nasingit na ‘pork barrel’ sa 2021 nat’l budget!
- BULGAR

- Dec 12, 2020
- 2 min read
ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | December 12, 2020
Ratipikado na ng dalawang sangay ng Kongreso ang bicameral conference committee report tungkol sa P4.5 trilyong national budget para sa taong 2021. Ilang araw na lamang ang hihintayin natin at ganap na ito maisasabatas sa pamamagitan ng lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Isang linggong binusisi ng bicam panel na binubuo ng liderato ng Kamara at ng Senado sa magkaagapay na pamumuno ng inyong lingkod bilang chairman ng senate committee on finance at ni Cong. Eric Yap ng House committee on appropriations ang kaunting gusot sa dalawang bersiyon ng national budget. At nitong Miyerkules nga ng umaga ay napag-isa at ngayon nga ay ganap nang ratipikado at handa na sa pagsasabatas ng pangulo.
Nangangahulugan ito na malayo nang magkaroon tayo ng reenacted budget para sa susunod na taon. Kabilang sa mga pangunahing ahensiya na may matataas na alokasyon ang edukasyon sa ilalim ng DepEd, SUCs, CHED, at TESDA; ang DPWH; Department of Health; DILG; ang National Defense; DSWD; Department of Transportation; Department of Agriculture; ang Hudikatura at ang Department of Labor and Employment o DOLE.
Ang ilang infrastructure projects ay na-reallocate para sa government programs na maaaring matapos sa susunod na taon, tulad ng pagpapatayo ng mga ospital, health facilities and equipment.
Malaking bahagi ng national budget, paniniguro natin, na katuwan natin sa bicam panel, inilaan sa COVID response at sa rehabilitasyon sa mga lugar na hinagupit ng mga Bagyong Rolly at Ulysses.
At bilang sagot sa mga agam-agam na baka may mga nakalusot daw na ‘pork barrel’ sa pambansang budget, tinitiyak nating walang pork barrel na nakasingit. Matindi ang ginawa nating pagbabantay, kasama ng ating mga kasamahang senador at mga mambabatas. Tayo ay matamang tumalima sa batas na iniaakda ng Korte Suprema na nagtatakdang ilegal ang anumang uri ng pork barrel.
Ang katotohanan, hindi tayo nagpalusot ng mga lumpsum sa budget. Mahigpit nating ipinatupad na dapat ay itemized ang lahat ng proyektong paglalaanan ng pondo.
Wala ring naganap na post-enactment identification o ‘yung mga pahabol na singit sa budget. Wala ring sinumang lehislador ang gumawa nito para sa ikapapanatag nating lahat.
Sa ilalim ng bicam report, naglaan tayo ng P70 bilyon para sa procurement, storage at distribution ng COVID-19 vaccines. Kung magiging fully utilized sa 2021 ang halagang ‘yan, nangangahulugan na malaking bahagi ng ating populasyon ang nakatanggap na ng bakuna.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com





Comments