Sa kabila ng energy conservation measures... PAO, 24/7 pa rin ang serbisyo-publiko
- BULGAR

- 3 days ago
- 2 min read
by BRT @News | March 17, 2026

Photo: File / Public Attorney’s Office (PAO)
Katulad ng ibang sangay ng pamahalaan, agad ding tumalima ang Public Attorney’s Office (PAO) sa pagpapatupad ng mga hakbangin alinsunod sa direktiba mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang makatipid sa konsumo lalo na sa kuryente dala ng walang habas na pagtaas ng langis.
Ayon kay PAO Chief Persida Rueda-Acosta, simula nitong nakaraang Lunes, March 16, ay kanya nang ipinatutupad ang 40-hour workweek arrangement para sa mga tauhan nito lalo na ang mga public lawyer, ayon na rin sa sinasaad ng Civil Service Commission.
Subalit, aniya, hindi kasali sa nasabing kautusan ang mga tauhan at opisyal ng Executive Service, Administrative Service, Special and Appealed Cases Service, at Utility and Contract of Service, na pawang matatagpuan sa central office ng PAO sa Quezon City.
“They shall continue to render five days of on-site work at their respective offices and observe regular working hours,” saad pa ni Rueda-Acosta habang pinaaalala nito sa publiko na ang PAO ay ang pangunahing ahensya ng pamahalaan na nagbibigay ng libre at agarang tulong-legal lalo na sa mga maralitang Pilipino.
Kanyang nilinaw na ang four-day onsite workweek o ang compressed 40-hour workweek arrangement ay ipatutupad sa lahat ng regional at district offices ng PAO sa buong bansa.
Ayon naman kay Deputy Chief Ana Lisa Soriano, sinasaad sa memorandum circular ng PAO chief na kailangan pa rin ng mga public attorneys kung saan ang kanilang mga opisina ay matatagpuan sa mga local government units (LGUs) na nagdeklara kada Biyernes bilang non-working day, na maging ‘on call’ lalo sa pagtupad sa mga inquest proceedings, custodial investigations at pagpo-post ng bail.
“For PAO offices located in areas where LGUs have not declared office closures on Fridays, at least one PAO lawyer and one staff member shall render regular duty hours,” ayon naman kay Deputy Chief Erwin Erfe na siya ring kasalukuyang director ng Forensics Laboratory Division nito.
Kanya ring ipinaliwanag na hindi na kailangang mag-duty ng Huwebes ang PAO personnel na naatasang mag-report sa trabaho sa araw ng Biyernes upang epektibong masunod ang four-day work schedule.
Samantala, sinabi pa ng Chief public attorney na buo o limang araw sa isang linggo ang pagpasok sa trabaho lalo na ang mga public attorneys na naka-detail sa Sandiganbayan alinsunod na rin sa utos ng Supreme Court na kailangang patuloy na mag-report ang mga tauhan nito sa kabila ng pinatutupad na energy conservation protocols “without any special work arrangements.”
“All PAO personnel are enjoined to remain on call beyond regular working hours within their respective jurisdictions and urgent legal needs of clients and inquest proceedings,” dagdag pa nito.




Comments