Required magsuot ng seat belt ang pasahero
- BULGAR
- Aug 3, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 3, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay nagkaroon ng traffic violation dahil ang pasahero kong nakaupo sa harap ng aking sasakyan ay hindi nakasuot ng seat belt. Ang nasabing paglabag ay nagdulot sa akin ng abala sapagkat ako ay nagtatrabaho. Dahil dito, nais ko malaman kung kinakailangan din bang magsuot ng seat belt ang mga pasaherong nakaupo sa likod ng aking pribadong sasakyan. - Jhay
Dear Jhay,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 4 ng Republic Act No. 8750 o mas kilala sa tawag na “Seat Belts Use Act of 1999”, kung saan nakasaad na:
“Section 4. Mandatory Use of Seat Belts. – For their own safety, the driver and front seat passenger of a public or private motor vehicle are required to wear or use their seat belt devices while inside a vehicle of running engine on any road or thoroughfare: Provided, that for private vehicles, except for jeeps, jeepneys, vans and buses and such other private vehicles as may be determined in the Implementing Rules and Regulations (IRR), front and back seat passengers are likewise required to use their seat belt devices at all times. xxx” (Binigyang-diin)
Malinaw na nakasaad sa batas na hindi lamang ang mga pasahero na nakaupo sa harap ng sasakyan ang kailangang magsuot ng seat belt. Bagkus, pati ang mga pasaherong nakaupo sa likod ng sasakyan ay kinakailangan ding magsuot ng seat belt sa lahat ng pagkakataon habang nakasakay sa pribadong sasakyan, maliban sa mga jeep, jeepney, van, bus at iba pang pribadong sasakyan na tinukoy sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nabanggit na batas.
Kaya naman, kung nais mong maiwasan na muling maabala, marapat lamang na sundin ang mga alituntunin ng batas tungkol sa seat belt. Siguraduhing nakasuot ng seat belt ang lahat ng iyong mga pasahero. Kasama ang mga nakaupo sa likod, maliban na lamang kung ang iyong sasakyan ay kabilang sa mga uri ng sasakyang nabanggit sa itaas na hindi required ang seat belt sa likod ng sasakyan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments