Sa gitna ng El Niño, kaligtasan at pagkatuto, parehong protektahan

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 27, 2026

Sa gitna ng patuloy nating paghahanda sa mga pinsalang maaaring idulot ng El Niño, inanunsyo kamakailan ng Department of Education (DepEd) ang 4H Framework na magsisilbing gabay sa pagsususpinde ng mga learning activities sa gitna ng banta ng El Niño.
Sa ilalim ng framework, sususpindihin ang lahat ng physical at home-based learning activities kapag umabot sa 42°C o mas mataas ang heat index Nakikiisa tayo sa hangarin ng DepEd na tiyakin ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral at mga guro. Ngunit hindi lamang ang kaligtasan ng mga mag-aaral ang pinagbabantaan ng El Niño, kundi pati na rin kakayahan nilang matuto.
Kaya naman hinihimok din natin ang DepEd: ating tiyaking ang pagtugon natin sa El Niño ay hindi magdudulot ng paglala ng learning loss o pag-urong ng kaalaman ng ating mga mag-aaral. Binibigyang diin natin ang matagal na rin nating panawagang gawing localized, imbes na blanket o malawakan, ang class suspensions na ating ipapatupad.
Kailangang tiyakin nating hindi uurong ang kaalaman ng ating mga mag-aaral dahil palalalain nito ang krisis natin sa edukasyon. Ayon sa isang policy note ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), umabot sa 20 araw para sa pagtuturo ang nawala sa isang pang-karaniwang pampublikong paaralan sa elementarya noong School Year 2025-2026. Dulot ito ng pagsuspinde ng mga klase dahil sa sama ng panahon at iba pang mga panganib.
Lumabas din sa naturang policy note na sa bawat isang araw ng class suspension, katumbas ng humigit-kumulang 1.4 araw para sa pag-angat ng kakayahang bumasa ang nawala sa mga mag-aaral. Kung ating babalikan ang karanasan nitong mga nagdaang buwan, maraming beses na ring nagsuspinde ng klase sa iba’t ibang mga bahagi ng bansa dahil sa malakas na ulan at matinding pagbaha.
Maliban sa pagkakaroon ng pamantayan ng pagsuspinde o pagpapatuloy ng mga klase, mahalaga ring tiyakin nating may maipapatupad tayong mga hakbang upang makahabol o makasabay ang mga maaapektuhang mag-aaral. Bagama’t tututukan natin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral, patuloy nating titiyaking hindi sila mapag-iiwanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments