top of page

Mga dekalidad na local universities at colleges, isinusulong

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 23
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 23, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa ginanap na pagdinig ng Commission on Higher Education (CHED) kamakailan, binigyang-diin ng inyong lingkod na simula 2012, lumalago ng average na 10% ang enrollment sa mga local universities at colleges (LUCs). Noong Academic Year (AY) 2012-2013, meron lamang naitalang 201,124 na mga mag-aaral sa mga LUCs.


Pagdating ng AY 2023-2024, dumoble ang bilang at umabot sa 498,080. Kung susuriin natin ang datos, lumalabas na ang enrollment sa mga LUCs ang maituturing na pinakamabilis sa mga higher education institutions (HEIs) sa bansa.


Malaki ang paniniwala ng inyong lingkod sa mahalagang papel ng mga LUCs sa paghahatid ng abot-kaya at dekalidad na edukasyon. Natutulungan ng mga LUCs ang ating mga nangangailangang kababayan na makapag-aral sa kolehiyo. Mahalaga rin ang kanilang papel sa pagresolba ng jobs-skills mismatch. 


At dahil nag-uulat ang mga LUCs sa mga LGUs na nagtatag sa kanila, mas mabilis silang rumesponde sa mga lokal na sitwasyon at pangangailangan para sa mga skilled professionals na kailangan ng mga LGU.Nahihikayat din ang ating mga LGUs na magpatayo ng mga LUCs dahil sa programang libreng kolehiyo ng pamahalaan.


Upang maging benepisyaryo ang ating mga LUCs ng libreng kolehiyo, kinakailangang magkaroon sila ng ‘institutional recognition’ mula sa Commission on Higher Education (CHED).Ngunit lumalabas na 60% lamang ng 174 LUCs ang may ‘institutional recognition’ mula sa CHED. Hindi lang ito sagabal sa kanilang pagiging bahagi ng libreng kolehiyo ng pamahalaan.


Nangangahulugan din ito na hindi angkop sa mga pamantayan ng CHED ang mga kursong inaalok ng mga LUCs. Nakakabahala ito, lalo na para sa mga mag-aaral na kinakailangang kumuha ng licensure o board examinations.


Kung ang isang mag-aaral ay nagtapos sa isang LUC na walang ‘institutional recognition’ mula sa CHED, hindi siya maaaring kumuha ng board exams. Masasayang ang hindi bababa sa apat na taong kanyang ginugol upang magkaroon ng lisensya bilang isang propesyonal.Kaya naman hinimok natin ang CHED na maghigpit sa mga LUCs na nag-aalok ng mga programang walang certificate of program compliance.


Iminungkahi natin ang pagkakaroon ng negative list upang hindi mahikayat ang mga mag-aaral na mag-enroll sa mga programang ito.Bagama’t maaaring i-phase-out ng CHED ang mga programang hindi sumusunod sa kanilang mga pamantayan, iminumungkahi rin natin sa Komisyon na tulungan nila ang mga LUCs na iangat ang kalidad ng kanilang mga programa at magkaroon ng ‘institutional recognition.


’Upang lalo pa nating mapatatag ang ating mga LUCs, inihain din natin ang Local Colleges and Colleges Governance Act (Senate Bill No. 623). Layon ng panukalang batas ang pagkakaroon ng mga pamantayan para sa pagtatag, pagpapatakbo, at pamamahala ng mga LUCs.


Sa ilalim ng panukalang batas, nais din nating tiyakin na makikinabang ang ating mga LUCs sa programang libreng kolehiyo.Ito lamang ang ilan sa mga hakbang na isinusulong natin upang maiangat ang kalidad ng mga LUCs sa ating bansa. Kung matitiyak nating mahusay ang ating mga LUCs, maihahatid natin sa mas maraming mga kabataan ang abot-kaya at dekalidad na edukasyon. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page