Sa Alagang Suki Fest sa Araneta… AIAH, MAY PINAKAMALAKAS NA SIGAW SA 8 BINI MEMBERS
- BULGAR

- Aug 2
- 4 min read
ni Julie Bonifacio @Winner | August 2, 2025
Photo: BINI Aiah
Solb na solb ang mga nanood sa katatapos lang na Alagang Suki Fest sa Smart Araneta Coliseum nu’ng Huwebes ng gabi na handog ng Alagang Unilab Rewards at Mercury Drug Suki Card programs sa kanilang mga suking customers para sa 80 taon nilang paghahatid-alaga.
Star-studded ang line-up ng mga guests and performers.
Unang um-appear si Momshie Jolina Magdangal na celebrity ambassador ng Unilab sa Neurogen-E na umaming umiinom na rin pala ng Neurogen-E dahil at her age na 46, nakakaramdam na rin ng mga tusuk-tusok sa kanyang mga kalamnan at buto.
Nang-aliw at nagpakilig naman si Robi Domingo sa kanyang Kremil-S segment dahil sa kanyang kakaibang wit and humor. Para talaga siyang si Luis Manzano na makulit at laging patawa.
Bentang-benta rin sa crowd ang song medley ni Belle Mariano, na take note, alam naming live ang pagkanta at hindi recorded, dahil nagkamali ng pasok ang aktres (nauna siya) sa isang line ng Dancing Queen.
Kineri naman ni Belle at hindi krimen ‘yun, dahil ang mahalaga, pinasaya niya ang crowd na naki-sing and dance sa kanya with matching selfie pa dahil nilapitan niya ang audience.
After Belle, ang bandang Mayonnaise na ang humataw ng kanilang mga sikat na signature rock anthems.
Sinundan sila nina Maki at Darren na hinarana ang crowd with their soulful voices and undeniable charm.
Buhay na buhay naman ang crowd sa performance ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano na balik-Araneta matapos ang kanyang One Last Time concert.
Nakakabilib na kahit ilang dekada na ang kanyang kantang ‘Di Bale Na Lang, nang kantahin at sayawin ito ni Gary V., sumabay talaga ang audience sa energy ni Mr. Pure Energy.
At kung nu’ng One Last Time concert ni Gary V. kung saan matatandaang isinugod pa siya sa ospital kaya medyo hindi niya naitodo ang paghataw ng sayaw, bigay-todo na naman ang magaling na singer-performer sa Alagang Suki Fest at akala mo siya inasnang bulate na naman kung makagalaw.
Finale siyempre ang pinakasikat ngayong nation’s girl group na BINI na apat na song nila ang kinanta at isinayaw.
Grabe ang sigawan ng mga Blooms (BINI’s fans) habang isa-isang ipinapakilala ang walong members, pero napansin naming pinakamalakas ang sigaw nila kay BINI Aiah.
Napagkamalan naman naming si Sarah Geronimo si BINI Sheena dahil ang laki ng pagkakahawig nila, pati sa hairstyle.
Sarah G at BINI Sheena - IG
Samantala, nakadagdag-saya rin ang Comedy Manila artists na sina GB Labrador at James Caraan na nag-provide ng entertainment bago nagsimula ang concert.
Well, congrats sa Unilab at Mercury Drug sa kanilang successful collab para mabuo ang Alagang Suki Fest.
ANG sweet talaga ng Star for All Seasons na si Gov. Vilma Santos-Recto.
Imagine, despite her busy schedule bilang nagbabalik na gobernador ng Batangas, naglalaan talaga siya ng time para suportahan ang kanyang mga kaibigan, tulad na lang ng mahal din naming si Roderick Paulate o Kuya Dick.
Balik-pelikula kasi si Kuya Dick at sa August 20 ay ipapalabas na ang kanyang comedy film na Mudrasta na mula sa CreaZion Studios.
Napanood ni Ate Vi ang trailer ng Mudrasta na trending ngayon sa socmed at nag-comment ito ng “Good luck, Dick!!! Told you. Magaling ka talaga sa lahat ng bagay! Napakagaling na AKTOR… HANGGANG NGAYON!! Proud of you, my friend! Mga kababayan… nood tayo ng MUDRASTA!!!!”
Oh, ‘di ba? Ganyan ang tunay na kaibigan, nakasuporta kahit ‘di mo hingan ng tulong.
Naku, excited na rin kaming mapanood ang pagbabalik-comedy ni Kuya Dick sa pelikula dahil sa totoo lang, laugh to the max talaga kami kahit paulit-ulit na naming napanood ang mga comedy films niya noon.
LINGGU-LINGGONG inihahatid ang trending chika mula online at showbiz updates sa mas pinalawak na entertainment programming lineup ng DZMM Radyo Patrol 630 at DZMM Teleradyo sa pangunguna ng Alam na Dis nina Papa Ahwel Paz at DJ Jhai Ho.
Napapakinggan tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-9 ng gabi, pangunahing tinatalakay nina Papa Ahwel at DJ Jhai Ho sa Alam na Dis ang ilan sa pinakamaiinit na isyu, mga pasabog ng artista, at iba pang viral na mga ganap sa mundo ng showbiz.
Para naman sa gustong magpuyat o magsenti sa pagsapit ng alas-10 ng gabi, hatid ang ilang nakakakilig at heartbreaking love stories ng Love Konek kasama si Coach Vee, na nagbibigay ng payo sa pag-ibig at buhay kasabay ang all-time favorite hugot love songs ng madlang pipol.
Hindi rin pahuhuli ang weekend showbiz programs tuwing Linggo, 11 AM, tampok si Lyza Aquino sa Wow Sikat kung saan binibigyang-pansin ang mga trending na personalidad o ganap na usap-usapan ng mga netizens sa TikTok, Facebook, Instagram, X (na dating Twitter), at Youtube.
Pagpatak ng 12NN, balik si DJ Jhai Ho sa Bongga Ka Jhai para sa isang oras ng eksklusibong balitang showbiz, panayam sa mga bagong artista, at updates sa kanilang mga inaabangang proyekto.
Simula pa noong Hunyo 2, umaarangkada na ang bagong showbiz talk show lineup na ito bilang bahagi ng misyon ng DZMM na masabayan at pag-usapan ang ilang latest happenings sa mundo ng showbiz na inaabangan ng solid fans ng mga artista at netizens.
Napapakinggan ang DZMM Radyo Patrol Patrol 630 sa 630 kHz AM band, at napapanood ang DZMM Teleradyo sa Sky Cable at halos 170 pang cable providers nationwide, TFC, iWant, satellite TV, at online sa official Facebook at YouTube pages nito.
Para maging una sa balita at public service, i-follow ang DZMM sa Facebook, Instagram, X (Twitter), at TikTok.
Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, X, Instagram, TikTok, at Threads o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.












Comments