Sa Abril 1... P320 rebate para sa mga kostumer ng Maynilad
- BULGAR

- Mar 31, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | March 31, 2022

Magbibigay ang Maynilad Water Services Inc. ng P320 rebate sa kanilang mga kostumer na labis na naapektuhan ng water service interruption noong mga nakaraang buwan simula bukas, Abril 1.
Ito ay matapos na patawan ng penalty ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office (MWSS-RO) ang Maynilad dahil sa matagal at mahabang araw na kawalan ng serbisyo ng tubig noong Disyembre hanggang Pebrero.
Batay sa datos ng Maynilad, mahigit sa 200 barangay na mula sa Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque, Pasay at ilang lugar sa Cavite ang matinding naapektuhan ng water service interruption dahil sa mababang produksiyon ng tubig mula sa Putatan Water Treatment Plant.
Ayon sa Maynilad, umabot sa 198,000 kostumer ng mga naturang barangay ang mabibigyan ng rebate na may kabuuang halaga na P63.3 milyon.
Binanggit naman ni MWSS-RO chief Patrick Lester Ty na posibleng dumoble pa ang rebate kung hindi maaayos ng Maynilad ang problema sa loob ng tatlong buwan.
“After the penalty, they have 180 days to fix things or they can be penalized again. If they do not fix things within 180 days, dodoble ang penalty,” pahayag ni Ty.
Bagama’t nasolusyunan na ng Maynilad ang unang naipataw na penalty ng MWSS-RO, may ilang lugar pa rin na kanilang nasasakop at pinagseserbisyuhan ang nakararanas ng water service interruption o mahinang suplay ng tubig.
Ayon kay Ty, hindi sapat na dahilan ang kakapusan ng suplay ng tubig upang hindi makasunod ang Maynilad sa kanilang service agreement.
“Just because there’s water shortage, that does not mean that they cannot be penalized for the water quality, for their failure to comply with the schedule. There are other service obligations that need to comply with even if they need to conserve water,” giit pa ni Ty.








Comments