Sa 6 na babae kasama si Monica Herrera… JERIC, UMAMING 18 LAHAT ANG ANAK, 6 NA LALAKI, 12 BABAE!

ni Julie Bonifacio - @Winner | March 27, 2022

Nahihiyang umamin si Jeric Raval na 18 ang kanyang mga anak. Pero kyut ang pagka-shy ni Jeric nu'ng sabihin niya kung ilan lahat ang kanyang mga anak.
"Disi-otso lang. Ang tagal kong itinago 'yun," sambit ni Jeric sabay yuko habang kausap namin sa special screening ng anti-drugs advocacy film titled The Buy Bust Queen.
Anim daw ang ina ng kanyang 18 anak kabilang na d'yan ang sexy star na si AJ Raval. At dalawa sa mga mothers ng kanyang mga anak ay ang misis ni Jeric na si Holiday Buensuceso at ang dating aktres na si Monica Herrera.
Ayon pa kay Jeric, may mga pagkakataon na nagkakasabay-sabay ang kanyang mga karelasyon.
"Kasi noong araw, ang mga anak ko, puro babae. Gustung-gusto kong magkaroon ng lalaki. Gusto ko, marami. Eh, kaya lang, mas marami ang babae."
Anim na lalaki at doseng babae ang mga anak ni Jeric at kuntento na raw siya sa kanyang 18 anak.
"Oo, kuntento na ako. Medyo malungkot lang minsan kasi, uh, meron kang anak na hindi mo mapagbigyan. Hindi naman ako ganu'n ka-well-off. Siyempre, nagtatrabaho pa rin naman ako, ‘di ba? Kung bibigyan ko man, kung ibibigay ko man sa kanya ‘yung hinihingi niya, I have to work for it."
Kahit nagtatrabaho na raw ngayon si AJ, never pa siyang nabigyan ng regalo nito. Ang siste, si Jeric pa raw ang nagregalo kay AJ.
"Hindi ko naman hinihintay ‘yun. Kung bigyan niya ako, maraming salamat. Ako kasi, ‘yung mga anak ko, may trabaho ‘yun. Hindi ko naman sila inobligang bigyan mo ako nito, pahingi nito, pahingi ng ganyan. Kasi may trabaho rin naman ako," pahayag ni Jeric.
Tinanong din namin si Jeric kung paano niya iningatan ang kanyang mga anak na hindi naimpluwensiyahan ng ipinagbabawal na gamot.
"Simple lang," sabi ni Jeric. "Kung ano ang nakikita nila sa akin, ‘yun lang. Parang ano ‘yan, eh, papa'no mong pagbabawalan ‘yung anak mo na huwag manigarilyo, tapos nakikita ka, naninigarilyo, 'di ba?
"'Huwag kang uminom ng alak, ang bata mo pa,’ sasabihin mo. Paano mo pagbabawalan, eh, nakikita sa ‘yo? Ganoon lang ang ginagawa ko."
Nakita naman daw ni Jeric na maayos ang kaibigan ng kanyang mga anak, kaya kumpiyansa siya na 'di gagamit ng bawal na gamot ang kanyang mga anak.
Isa si Jeric sa mga artistang kasama sa The Buy Bust Queen na idinirek ni JR Olinares produced by Pinoyflix at sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang The Buy Bust Queen ay pinagbibidahan nina Phoebe Walker, Dianne Medina at Ritz Azul.





Comments