top of page

Sa 2026 budget, mas nangangailangan, ‘di dapat kalimutan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 25, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Maliban sa pagsulong sa edukasyon at kalusugan ng ating mga kababayan sa ilalim ng 2026 national budget, isinusulong din nating mapatatag ang social protection program para sa mga senior citizens, mga bata, at mga kababayan nating pinakanangangailangan.


Sa ilalim ng Senate Committee on Finance report sa panukalang 2026 national budget, P230 bilyong pondo ang isinusulong natin para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa panukalang pondo para sa kagawaran, P101.8 bilyon ang inilaan natin para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Saklaw ng pondong ito ang 3.3 milyong mga pamilya na mga kasalukuyang benepisyaryo, pati na rin ang dagdag na 500,000 na tinaguriang “near-poor” na mga pamilyang natukoy gamit ang Community-Based Monitoring System (CBMS). 


Bahagi na rin ng pondong ito ang P6.5 bilyong kulang para sa ayudang nakatakdang matanggap ng mga benepisyaryo noong December 2025. Sa paglalaan natin ng pondong ito, matitiyak nating hindi kulang ang tulong pinansyal na matatanggap ng mga benepisyaryo ng 4Ps.


Isinulong din nating dagdagan ang tulong pinansyal para sa ating mga indigent senior citizens. Nagdagdag tayo ng P8.2 bilyon sa Social Pension for Indigent Senior Citizens upang maisama ang 663,000 na mga lolo at lola nating naghihintay makatanggap ng benepisyo.


Nagdagdag din tayo ng P3.3 bilyon para madagdagan ang mga feeding days ng Supplementary Feeding Program. Kung dati ay umaabot lamang sa 120 days ang Supplementary Feeding Program, aabot na ito ng 180 days sa tulong ng dagdag pondo na ating inilalaan. Inaasahang 1.8 milyong mga batang wala pang limang taong gulang na naka-enroll sa mga Child Development Centers (CDCs) ang makikinabang sa programang ito.


Mahalagang tustusan natin ang nutrisyon ng ating mga kabataang wala pang limang taong gulang, lalo na’t patatatagin nito ang kanilang pundasyon para sa kanilang pag-aaral. Kung malusog ang katawan ng ating mga kabataan, magiging malusog din ang kanilang pag-iisip at magiging mahusay silang mga mag-aaral.


Isinusulong din natin ang dagdag na P200 milyon para sa pagpapatayo ng limang bagong regional facilities para sa Bahay Pag-Asa, bagay na makakatulong sa pagbibigay ng kalinga at rehabilitasyon para sa mga children in conflict with the law (CICL). Bawat isa sa mga pasilidad na ito ay may 50 kama kaya aabot sa 250 ang mga bagong kama para sa buong bansa. Kung gagawin nating batayan ang pangkaraniwang haba ng panahong inaabot ng mga kaso ng ating mga CICL, inaasahan nating 125 hanggang 500 bata ang matutulungan natin kada taon. 


Ilan lamang ito sa mga isinusulong natin upang patatagin ang suporta sa mga kababayan nating nangangailangan. Patuloy nating tutukan ang mga talakayan sa Senado tungkol sa 2026 national budget upang makita natin kung paano ilalaan o magagamit sa susunod na taon ang buwis na ating ibinabayad para sa mga makabuluhang programa at serbisyo sa ating mga kababayan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page