ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Mar. 12, 2025
Photo: Ryza Cenon ibinenta ang NERF - Boss Toyo Production
Ibinenta ni Ryza Cenon kay Boss Toyo ang nerf toy gun na ginamit niya sa hit 2017 GMA-7 series na Ika-6 na Utos.
Matatandaang naging viral ang isang eksena sa naturang afternoon series kung saan ay tinutukan ng nerf gun ng karakter ni Ryza na si Georgia ang karakter naman ni Sunshine Dizon na si Emma.
Sa sobrang hit ng eksenang ito ay nagkaroon pa ito ng iba’t ibang memes.
Sa latest vlog ng “Pinoy Pawnster” ay mapapanood ang pagbebenta ni Ryza ng toy gun kay Boss Toyo.
Naalagaan naman ni Ryza ang toy gun at mukhang bago pa’t nakalagay pa sa isang acrylic case.
Ayon sa aktres ay first time niyang magbenta ng memorabilia kaya hindi niya alam kung magkano ang ipepresyo niya.
Sa huli ay nagkasundo sila sa presyong P10,000. Pinirmahan pa muna ni Ryza ang laruan.
Ayon kay Ryza ay nag-enjoy siya sa experience niya sa pagbebenta kay Boss Toyo and who knows, baka raw may makita pa siyang memorabilia sa bahay niya na puwede ring ibenta.
Malapit na palang matapos ang dreamhouse na ipinapagawa ni Jak Roberto.
Sa kanyang latest vlog ay proud na ipinasilip ng aktor ang loob ng bahay na 95% finished na.
Title nga niya sa vlog, “May Pinto, Bintana at Modern Toilet Na!”
Aniya sa caption, maraming dumaan na pagsubok sa pagpapagawa niya ng bahay pero wala raw sukuan.
“Grabe, totoo talaga ang sinabi nila, mahirap talaga magpagawa ng bahay pero sobrang nakaka-excite na, guys! Ang dami nang nagdaan na pagsubok! Wala nang sukuan ‘to!” caption ni Jak.
Sa totoo lang, bumilib naman kami sa aktor dahil very hands-on siya sa construction ng kanyang bahay. Siya mismo ang personal na namili ng mga toilet bowls na ilalagay at makikita mong sobrang excited siya sa pamimili.
Halata ring personal niyang pinangasiwaan ang pagpapagawa ng bahay dahil alam na alam niya ang mga gamit at materyales na inilagay, pati na ang pintuan at bintana.
Makikita ring masayang-masaya si Jak sa outcome ng kanyang papatapos na bahay na in fairness, pulido naman talaga ang pagkakagawa at materyales fuertes, ‘ika nga.
May dalawang palapag ang bahay at ipinakita niya ang master’s bedroom na super-laki.
Mukhang sa bahay na ito inilagay ni Jak ang lahat ng kanyang kinita sa showbiz.
Kumbaga, ito ang katas ng kanyang pagod at paghihirap sa trabaho kaya naman no wonder na super-proud ang aktor ngayong malapit na itong matapos.
Matatandaang taong 2022 nang simulan ni Jak ang pagpapagawa ng kanyang sariling bahay. That time ay sila pa ni Barbie Forteza at lagi pa niyang kasama ang aktres kapag bumibisita sa site.
Magugunitang nitong nakaraang January ay inanunsiyo ni Barbie na nag-break na sila ni Jak pagkatapos ng 7 taong relasyon.
Sa comment section ng vlog, nalulungkot ang ibang fans na ngayong matatapos na ang pinaghirapang bahay ni Jak ay wala na sila ni Barbie. But at the same time ay masaya naman sila na makitang unti-unti nang nakaka-move on ang aktor mula sa breakup.
Ang iba naman ay wish na magkabalikan pa rin sila.
“Hi Lodi, masaya ko na malapit nang matapos ‘yung dream house mo… Sana magkaroon din kayo ni Madam ng second chance, JakBie,” komento ng isang tagahanga.
“So happy to see your new vlog, idol, sana mag-active ka ulit sa vlogs mo sa YouTube. Lagi lang kaming nakasuportang mga fans mo,” saad naman ng isa pa.
Comments