Russell at Finney-Smith, bumida sa Lakers at Nets
- BULGAR
- Mar 12, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 12, 2023

Bumalik sa aksiyon si D’Angelo Russell at naging susi sa 122-112 panalo ng Los Angeles Lakers sa bisitang Toronto Raptors sa NBA kahapon sa Crypto.com Arena. Ito na ang ikatlong sunod ng Lakers na patuloy ang kapit na makapasok sa Play-In Tournament sa kanilang nalalabing 15 laro.
Lumiban si Russell ng anim na laro bunga ng pilay na bukong-bukong at agad binuhay ang koponan sa 16 ng kanyang 28 puntos sa fourth quarter. Lamang ang Toronto, 90-85, matapos ang tatlong quarter at biglang umapoy si Russell na tinuldukan ng three-points para sa 118-106 lamang ng Lakers at 2:47 sa orasan.
Saglit nagbanta ang Toronto sa magkasunod na shoot nina Scottie Barnes at Jakob Poletl, 110-118, subalit nabura ito ng mga paniguradong buslo nina Dennis Schroder at Anthony Davis, 122-110, at 47 segundong nalalabi. Sumuporta si Schroder sa kanyang 23 puntos.
Bumida si Joel Embiid na pumihit at ipinasok ang bola na may 1.5 segundo sa laro at itakas ng Philadelphia 76ers ang 120-119 panalo sa Portland Trail Blazers. Nagtapos si Embiid na may 39 puntos habang 19 puntos si James Harden.
Sa isa pang makapigil-hiningang tapatan, wagi ang Brooklyn Nets kontra Minnesota Timberwolves sa overtime, 124-123. Winasak ng three-points ni Dorian Finney-Smith ang 121-121 tabla na may 36 segundo sa overtime at kahit sinagot ito agad ng shoot ni Anthony Edwards ay nanaig ang depensa ng Nets sa huling 30 segundo.
Hinila pababa ng kulelat na San Antonio Spurs ang numero uno ng Western Conference Denver Nuggets, 128-120, sa likod ng 23 puntos ni Keldon Johnson. Lamang pa rin ang Nuggets sa kartadang 46-21 habang patuloy ang laban ng 17-49 Spurs na makapasok sa Play-In para sa ika-pito hanggang ika-10 koponan ng West.




Comments