Round-of-16 target ng Alas vs. Iran sa do-or-die match
- BULGAR

- Sep 18
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 18, 2025

Photo : Hinarap ng malupitang pag-atake ni #7 Belai Abunabot ng Qatar ang dobleng depensa nila #99 Daniel Chitigol at #1 Bela Bartha ng Romania sa kasagsagan ng kanilang laro sa FIVB Volleyball Men's World Championship 2025 sa Araneta Coliseum kahapon. Tinalo ng Qatar sa 4 sets ang Romania 20-25, 25-23, 25-20, 25-22 (Reymundo Nillama)
Laro ngayong Huwebes – MOA
5:30 PM Pilipinas vs. Iran
Sumasakay sa hindi pa naaabot na alon, handang dalhin ng Alas Pilipinas ang kanilang bagong-tuklas na porma sa napakahalagang laban ngayong Huwebes laban sa Iran sa huling araw ng elimination ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa MOA Arena. Isang ginintuang tiket patungong knockout playoffs sa Martes sa parehong palaruan.
Sariwa pa ang makapigil-hiningang 29-27, 23-25, 25-21 at 25-21 tagumpay ng Alas sa Ehipto na kampeon ng Aprika. Dahil sa higanteng resulta, umakyat ang mga Pinoy ng 11 baytang sa FIVB World Ranking sa ika-77.
Tulad ng Pilipinas, galing ang Iran sa inspiradong 23-25, 25-20, 25-23 at 25-16 panalo sa Tunisia. Tabla sa 1-1 panalo-talo ang apat na koponan sa Pool A kaya literal na naging knockout pati rin ang laban ng Tunisia at Ehipto.
Kailangan nang mamayani muli sina kapitan Bryan Bagunas, Marck Espejo at Leo Ordiales. Importante rin ang magiging kontribusyon sa depensa nina Kim Malabunga at Lloyd Josafat sa mas matangkad na Iranian.
Maaaring bumili ng tiket sa www.philippineswch2025.com o pumila sa takilya. Malaking bagay na mapuno ang MOA para matulungang makasulat ang Alas ng bagong kasaysayan.
Samantala, winalis ng Bulgaria ang Pool E matapos bugbugin ang kulelat na Chile – 25-17, 25-12 at 25-12. Tiyak na numero uno na ang mga Bulgarian kahit anong mangyari sa huling laro ng Alemanya (1-1) at Slovenia (1-1) at hihintayin ang magiging pangalawa mula Pool D.
Kahit hinulog ang unang dalawang set, nagising ang Portugal at nanaig sa Colombia – 23-25, 21-25, 25-20, 25-21 at 15-11. Pansamantalang umakyat ng pangalawa ang Portugal sa Pool D habang tinatapos ang laro ng Cuba at Amerika.
Sa Araneta Coliseum, wagi ang Qatar sa Romania – 20-25, 25-23, 25-20 at 25-22. Nanaig ang Turkiye sa Canada – 25-21, 25-16 at 27-25.








Comments