Roque, sarili na lang ang dinebate
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 15, 2021
PAULIT-ULIT NA SINASABING MAY UTANG NA LOOB SA CHINA DAHIL SA DONASYONG 1-M SINOVAC, PERO DEDMA LANG SA MAHIGIT 2.6-M ASTRAZENECA, PLUS MAY PFIZER PA NA DONASYON NG AMERIKA—Kamakalawa, sa kanyang public address ay muling iginiit ni P-Duterte na ayaw niyang makipag-away sa China dahil malaki raw ang utang na loob niya rito, na kung inyong matatandaan, ang tinukoy niyang utang na loob ay ‘yung sinabi niya noong Abril 29, 2021 na utang na loob sa donasyong 1 milyong bakunang Sinovac sa Pilipinas.
Pambihira, eh, 1 milyong bakunang Sinovac lang nai-donate ng China (ang ibang bakunang Sinovac may bayad na) ay paulit-ulit si P-Duterte sa pagsasabing may utang na loob ang Pilipinas sa China, pero sa Amerika na higit 2.6 milyong bakunang AstraZeneca na gawang Europe at may karagdagang higit 193-K donasyong bakunang Pfizer pa na gawang Amerika ay hindi maringgan ang pangulo na magsabing may utang na loob din ang Pinoy sa Tate, boom!
◘◘◘
JOKE RIN PALA ANG CAMPAIGN PROMISE NI P-DUTERTE NA TATLO HANGGANG ANIM NA BUWAN LANG, WALA NANG KORUPSIYON SA ‘PINAS—Sinabi ni P-Duterte na talamak pa rin daw ang korupsiyon sa kanyang gobyerno, at hindi naman talaga kayang pigilan ang katiwalian sa pamahalaan ng kahit ng mga nagdaang administrasyon.
Kumbaga, parang sinabi na rin ni P-Duterte na joke rin ang kanyang campaign promise na 3-6 months ay wala nang korupsyon sa ‘Pinas, ha-ha-ha!
◘◘◘
SARILI ANG DINEBATE NI ROQUE—Matapos umatras si P-Duterte sa kanyang hamong debate kay ret. Justice Antonio Carpio tungkol sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at utusan si Spox Harry Roque na siya na lang makipag-debate ay nagpabida na ang presidential spokesman at hinamon ng debate ang dating mahistrado, pero hindi siya pinatulan.
Dahil sa gigil ni Roque na wala siyang maka-debate ay sarili na lang niya dinebate niya kasi sabi niya hindi sakop ng teritoryo ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef, at kalaunan ay siya rin ang sumagot na sakop daw pala ng teritoryo ng Pinas ang reef (Julian Felipe) na ito, boom!
◘◘◘
ATAKE NI ROQUE KAY MAR ROXAS, SABLAY!—Sablay ang pag-atake ni Roque kay Mar Roxas na kesyo wala raw naitutulong ito sa bayan sa panahon ng krisis kasi hindi ipinagagamit ang kanilang Araneta Coliseum para maging temporary health facility sa gitna ng pandemyang COVID-19.
Sablay kasi hindi pala alam ni Roque na gagamitin ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang Araneta Coliseum bilang mega vaccination site sa QC, period!





Comments