Romeo at Perez ng Beermen, itinirik ang Dyip ni Hester
ni Gerard Arce - @Sports | December 27, 2021

Tinungga ng San Miguel Beer ang kanilang ikatlong sunod na panalo nang pahintuin ang Terrafirma Dyip sa bisa ng 100-88 panalo kahapon sa pagratsada ng 46th season ng PBA Governor’s Cup sa Araneta Coliseum.
Natakasan ng Beermen ang pagtatangka ng Terrafirma na makahabol sa laro matapos unti-unting tapyasin ang 23 point lead sa fourth period na tyinaga namang panatilihin nina Terrence Romeo at CJ Perez na kumana ng 23 pts sa 9-of-16 shooting at 17pts, 8 rebs at 5 assists sa 6-of-11 field goals, habang bumanat din ng 23pts at 10 rebs si SMB import Brandon Brown.
Sinubukang maibaba ng Terrafirma sa anim na puntos ang lamang ng San Miguel sa 94-88 sa nalalabing 1:54 mula sa tres ni Juami Tiongson para burahin ang 23-point lead sa unang bahagi ng fourth quarter. Subalit naging masigasig sa paglapag ng magkakasunod na anim na puntos sina Romeo at Perez para selyuhan ang panalo ng Beermen.
Nanguna sa puntusan si Tiongson sa 21pts sa 8-of-18 shooting, habang mayroon namang 19pts si Antonio Hester para sa Terrafirma na nalasap ang kanilang ika-3rd straight loss sa komperensiya na wala ang veteran playmaker na si dating SMB player Alex Cabagnot dahil sa injury, gayundin sina Roosevelt Adams, No. 1 pick Joshua Munzon, Cris Balagasay at Reden Celda.
Maagang nagparamdam ng puwersa ang San Miguel sa first quarter nang itarak nito ang 13 point lead matapos ang 20-7 blast sa 25-12 sa nalalabing 3:40 ng laro hanggang sa matapyas ito ng bahagya sa 27-18.
Hindi naman nagpatinag ang Terrafirma sa second period ng unti-untiin nilang ibaba ang kalamangan sa tatlo sa 37-40 sa nalalabing 4:02 ng laro sa pagtutulungan nina Tiongson, Eric Camson, Matt Ganuelas-Rosser, Kyle Pascual at John Calvo. Ngunit muling iniangat ito sa 11 sa 48-38 sa pagpasok sa halftime.
Nagawang palobohin sa 23 point lead ng San Miguel ang kalamangan sa fourth period sa 85-62 sa nalalabing 8:14 matapos ang dominanteng third canto ng bumuhos ng 77-58 na iskor sa pagtatapos ng third quarter.





Comments