Role sa movie, tinotoo na… ELIJAH AT KOKOY, NAG-LIVE-IN SA CONDO SA KYUSI
- BULGAR
- May 26, 2022
- 3 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | May 26, 2022

Ginawa palang makatotohanan nina Elijah Canlas at Kokoy de Santos ang kuwento ng pagmamahalan nila sa Pinoy BL series na Gameboys na ginawang pelikula dahil nag-live-in din sila sa totoong buhay.
Sa ending ng online show na Gameboys Season 1 ay cliffhanger kung magsasama sila dahil nga kailangan ni Elijah na umalis kahit pinipigilan siya ni Kokoy. Pero sa movie ay nagsama na sila.
Habang inaayos pa ang script ng online show na Gameboys Season 2 ay naging abala sina Elijah at Kokoy sa kani-kanilang solo show at nabalitaan naming naninirahan nang mag-isa ang una sa condo unit nito sa Quezon City.
At sa live stream ng IdeaFirst Company Facebook at YouTube account para kina Elijah at Kokoy kamakailan para sa pagbubukas ng Gameboys Season 2 na napapanood ngayon sa KTX.ph at Vivamax ay may narinig kaming "Umamin na kayo" sa background.
Nagulat ang dalawang aktor na tila na-caught off-guard dahil wala naman pala silang planong aminin na magkasama na pala talaga sila sa iisang bahay.
Pero ang paliwanag ni Elijah, “For a couple of months after shooting season one of Gameboys, me and Kokoy decided to live together.”
Susog naman ni Kokoy, "Yes, totoo ‘yung sinabi ni Elijah.”
Dagdag pa ni Elijah, "Kasi ang dami ring ganap, eh. As some of you guys know, si Kokoy lives in Cavite, malayo, and ‘yung time na ‘yun, sunud-sunod ang rehearsals, tapings, shoots, interviews. Ang dami naming ginagawa, masyadong hassle ‘yung biyahe for him. Eh, at that time I have an extra room sa unit ko. So, ‘yun, doon muna si Kokoy. Marami ang nag-aakala na bumibisita lang si Kokoy doon. And hindi nila alam doon talaga siya nakatira. Ang saya ring housemate ni Kokoy.”
At doon na ibinuking ni Kokoy na makalat si Elijah na kung saan-saan nito inilalagay ang mga damit, bagay na tila nainis ang huli, pero natatawa pa rin.
Pero ngayon ay hindi na sila magkasama sa bahay… hmmm, bakit kaya?
Anyway, dahil naka-livestream ang dalawa, maraming fans ang naloloka sa mga rebelasyon sa isa’t isa nina Cairo (Elijah) at Gavreel (Kokoy). Maging ang media/vloggers ay naaliw sa kanila dahil super sweet.
Naitanong kung ano ang bago sa Season 2 ng Gameboys at posible bang magkaroon ng Season 3?
“I-manifest na natin, na magkakaroon ng Season 3. Sana, siguro, next level na ng relationship. Na-try na natin sa video call, long distance, na-try na rin natin ‘yung in the flesh na magkasama sila sa bahay with the rest of the Gameboys gang,” saad ni Elijah.
Naitanong namin kung posible bang mag-ampon na sila para next level?
Tumawang sabi ni Elijah, “Maganda na may anak na tayo. Lima. Lima. Ha-ha-ha (sabay nakipagharutan kay Kokoy)."
Say naman ni Kokoy, “Ako, sa akin lamang naman, baka puwedeng matuloy sa ibang lugar, masarap ‘yun.”
“Saan kaya, sa Japan?" sagot-tanong ni Elijah.
Birong sagot ni Kokoy, “Sa Baguio? Pero hindi, seryoso nga, sa Japan, sa New York?”
“Kahit saan, basta kasama kita,” giit ni Elijah na ikinakilig ng mga manonood gayundin ng nagsilbing host na si Adrianna So na gumanap bilang si Mayora Pearl.
Sa tanong kung ano ang favorite part ng kanilang acting sa naunang Gameboys, “Wow! Magiging acting critic na tayo ngayon,” tumawang sabi nina Elijah at Kokoy.
“Acting style, ako, I really…sobrang bilib ako kay Kokoy. I mean, una pa lang, Gameboys Season 1 pa lang, parang I know I had to step up in game kasi si Kokoy napaka-natural na aktor at nakikinig talaga siya. Ramdam ko na nakikinig talaga siya kasi ang dami niyang adlib.
“You have to be in your toes all the time with Kokoy kasi ang dami niyang ibang adlib. So, kailangan sasagutin mo rin ang adlib niya. Tapos, ang saya-sayang kaeksena,” say ni Elijah.
“Okey ka na?” balik na tanong naman ni Kokoy kay Elijah. “Hiyang-hiya naman ako sa Gawad Urian, hahaha.”
Nanalo kasing Best Actor si Elijah sa Gawad Urian noong 2020 para sa pelikulang Kalel, 15 na idinirek ni Jun Robles Lana.
“Wala, wala akong masabi kay Elijah,” sabi pa ni Kokoy sabay hila kay Elijah at sinabing, “Idol, pa-kiss naman, pa-kiss naman.”
Kaya kilig-kiligan din ang mga supporters na nanonood sa kanila.
Makakasama sa Season 2 sina Adrianna, Kych Minemoto at Miggy Jimenez plus may special guests pa na sina Alex Diaz at Paolo Pangilinan, na parehong parte na rin ng Gameboys Universe mula sa direksiyon ni Ivan Andrew Payawal produced ng The IdeaFirst Company na pag-aari nina Direk Perci M, Intalan at Jun Lana.
Bukod sa Gameboys 2, may dagdag-sorpresa rin sa mga fans sina Elijah at Kokoy sa paglabas ng Gameboys Gamebox na mabibili online sa theideafirststore.com ( http://theideafirststore.com/ ) . Naglalaman ito ng season pass sa KTX.ph para sa buong season ng Gameboys 2, special blueray copy ng Gameboys 1 na inorder pa sa Japan, plus surprise Gameboys items at collectibles.




Comments