RobinHood, sumikwat ng panalo sa Commish II
- BULGAR
- Feb 27, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | February 27, 2023
Nasaksihan ng mga karerista ang galing ni Robin Hood matapos nitong sikwatin ang panalo sa 2023 PHILRACOM "Commissioner's Cup" Division II na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Sabado.
Nanood sa pang-apat na puwesto si Robin Hood habang nagbabanatan sa unahan sina Batang Cabrera at Best Regards, nasa tersero naman si Fortissimo.
Pagdating ng far turn ay nasa unahan na si Fortissimo pero sinundan agad siya ni Robin Hood kaya papalapit ng home turn ay naagaw ng winning horse ang bandera.
Mag-isa na lang sa unahan sa rektahan ang anak nina Oxbow at Malibu Legacy na si Robin Hood na sinakyan ni jockey Ryan Roy Garcia, tinawid nito ang meta ng may tatlong kabayo ang agwat sa pumangalawang Fortissimo.
Inirehistro ni Robin Hood ang tiyempong 1:39.2 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Sandy Javier ang P450,000 premyo.
Nasungkit ni Fortissimo ang second place prize na P150,000 habang tig-P75,000 at P37,500 ang third at fourth placers na sina Black Burn at Shining Vic ayon sa pagkakasunod.
"Mahusay ang pagkakadala ni RR Garcia, walang kahirap-hirap na nakuha ang panalo, malaki ang tsansa na magtutuloy-tuloy ang panalo niya," saad ni Christian Sevilla, veteran karerista.
Samantala, ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Aurelio "Reli" de Leon.
Kahapon araw ng Linggo ay may 10 karera ang inihain ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.





Comments