ROBIN, UNA NANG NAGPA-DRUG TEST SA PDEA
ni Nitz Miralles - @Bida | October 6, 2022

Nauna nang nagpa-drug test si Sen. Robin Padilla. Boluntaryo siyang nagpa-drug test sa panawagan na rin ni Cong. Robert Barbers na mandatory drug testing sa mga taga-showbiz.
Part pa rin naman ng showbiz si Robin, kaya kahit kontra siya sa panukala ni Cong. Barbers dahil pagsaklaw daw ito sa human rights ng individual, nagpauna na siya sa drug testing.
Pumunta si Robin sa headquarters ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City at doon sumailalim sa drug testing. Ipinost ni Robin ang photos habang nagpapa-drug test siya at ipinakita rin ang resulta. Negative siya sa illegal drugs at pagkatapos nito, may appreciation post siya sa mga taga-PDEA.
“Maraming salamat po sa lahat ng bumubuo ng Philippine Drug Enforcement Agency, sa mga namumuno, staff, agents, medical guards at manpower cleaning o utility crew. Mabuhay po kayo, Undersecretary Wilkins M. Villanueva, Director General, PDEA, Assistant Secretary Diosdado Carreon, Deputy Director General for Administration at Sir Derrick Arnold Carreon.”
Samantala, hindi naman siguro magiging daan ng conflict ang magkasalungat na paniniwala nina Robin at Cong. Richard Gomez sa proposal na mandatory drug testing sa mga celebrities. Hindi pabor si Robin, pero si Richard ay favor at may kasunod siyang pahayag.
Dapat daw, for work purposes lang ang gagawing mandatory drug testing, pero hindi kailangang naka-focus lang sa isang sector gaya ng showbiz.





Comments