ROBIN, IKINAMPANYA NI KRIS KAHIT NASA UNITEAM KAYA NAG-NO. 1 SENATOR
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | June 7, 2022

Mistulang tribute kay Kris Aquino ang mahabang post ni Senator-elect Robin Padilla sa kanyang Facebook page. Nagpasalamat siya sa aktres-TV host at dating leading lady-girlfriend dahil isa raw ito sa mga dahilan kung bakit siya nakakuha ng napakataas na boto nitong nakaraang eleksiyon.
Sa kanyang post ay makikita ang madamdaming tulang ginawa niya for Kris. Inilarawan niya rito ang friendship nila na kahit hindi man daw sila nagkikita, basta’t kailangan nila ang isa’t isa ay parati silang nandiyan.
Ikinuwento rin ni Sen. Robin na naging close na rin ang misis niyang si Mariel Rodriguez kay Kris.
“Nu'ng nalaman namin ni Mariel na may sakit si Ms. Kris Aquino, hindi na kami bumitaw sa kanya at ganu'n din si Ms. Kris Aquino.
“Ipinagluluto ni Mariel si Kris ng pagkain at kahit hirap si Kris sa intake ng solid na pagkain, she makes sure na well appreciated ng buong pamilya niya si Mariel.
“We became more closer than ever,” pagbabahagi ni Binoe.
“Tumaas pa ang antas ng aming mga pinag-uusapan at pinagdidiskusyunan. Mas minulat pa namin ang isa't isa sa reyalidad-pulitika at buhay,” patuloy ni Robin.
Inisa-isa rin ng aktor-pulitiko kung bakit siya nag-number one bilang senador at kasama na sa mga dahilan si Kris.
“Maraming nagtatanong at nagtataka kung bakit napakataas ng boto ko at kung paano ako nag-number one. Walang nakakaalam na may boto rin ako galing sa kampo ng mga Aquino.
“Kalagitnaan ng campaign period, nag-aalala si Kris sa survey ko. Kinausap niya ako kung ano ang campaign strategy ko. Sabi ko, conventional lang ako dahil wala naman akong pera. Ang alas ko lang talaga ay si PRRD, SBG at si Inday Sara Duterte, endorsement lang ng tatlong ito umiikot ang aking pag-asa na manalo at siyempre, ang tulong ng taumbayan,” kuwento ni Robin.
Ang ginawa raw ni Kris ay pinagtatawagan ang mga pulitiko at ikinampanya siya nang bonggang-bongga kahit pa nga nasa partido siya ni Bongbong Marcos.
“Sabi ni Kris, tutulungan niya 'ko at ginawa niya kahit sinabi ko na baka makadagdag ng stress niya. Tinawagan niya ang mga matitinding governor, LGU officials at mga matataas na tao na may paggalang at malalim na pasasalamat sa mga Aquino.
“Hindi kailanman naging isyu sa kanya na UniTeam ako, nagtataka ang mga nakakausap niya kung bakit ako nilalakad sa kanila, pero sinasagot lang niya ito ng 'Basta, pls. help Robin for me.'
“Ngayon ay malilinawan na rin ng mga naninira at inggit kung bakit ako nakakuha ng napakataas na boto.
“Bukod sa mine vote ni Mariel, Royal lumad/Indigenous vote, Muslim vote, Marcos loyalist vote, DDS vote, Katoliko vote, Kingdom of Jesus Christ vote, El Shaddai vote at Iglesia ni Kristo vote, Kris Aquino delivered the Aquino vote for me," ani Robin.
Nagpasalamat ang aktor-pulitiko kay Kris at nagpasabi na dadalawin niya ito sa USA kapag nabigyan siya ng visa.
“Maraming-maraming salamat, Ms. Kris Aquino. Ang ating pagiging magkaibigan ay hindi naapektuhan ng pulitika, bagkus ito pa ang nagbuklod sa atin. Hinding-hindi kami makakalimot.
“'Andito lang palagi kami ni Mariel para sa iyo at kapag ako'y nagka-visa sa US of A, dadalawin ka namin at personal na magpapasalamat sa iyo,” pagtatapos ni Robin.





Comments