Robin Hood, kumaripas ng panalo sa Turf Race
- BULGAR
- Aug 10, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | August 10, 2023
Matinding bakbakan sa rektahan ang napanood ng mga karerista matapos manalo ng Robin Hood sa PHILRACOM Special Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas noong Linggo ng hapon.
Pag-arangkada ng mga kabayo sa aparato ay nakipagsabayan ng bilis ang Robin Hood kina The Accountant at Gusto Mucho na kilalang mga matutulin sa largahan.
Nagtagisan ng bilis sa unahan ang The Accountant at Gusto Mucho habang malapit na tersero ang puwesto ng Robin Hood.
Pagdating sa far turn ay nagsimula nang umunat ang Robin Hood kaya naman sa huling kurbada ay nasikwat na ng winning horse ang unahan sa nangungunang Gusto Mucho.
Hindi basta bumigay ang Gusto Mucho, nakipagsabayan pa rin ito ng bilis sa unahan kay Robin Hood sa rektahan at bandang 75 metro na lamang ng karera nakaungos ng todo ang huli.
Ginabayan ni jockey Jomer Estorque, tinawid ng Robin Hood ang meta ng may dalawang kabayong agwat sa pumangalawang Gusto Mucho.
"Pang-stakes race 'yung ipinakitang takbo ni Robin Hood, batang kabayo kaya malaki ang tsansa niyang mag-umento sa mga darating pang araw ng karera," saad ni Joselito Lompot, veteran karerista.
Inilista ng Robin Hood ang tiyempong 1:39.2 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang P150,000 na premyo, nakopo naman ng nasegundong Gusto Mucho ang consolation prize na P56,250 at pangatlong dumating ang Shining Vic.
Samantala, lahat ng races noong Linggo ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).





Comments