Righteous Ruby, nagpakain ng alikabok sa Japan Cup
ni Green Lantern @Renda at Latigo | January 24, 2023
Sinisiw ni Righteous Ruby ang kanyang mga nakatunggali nang manalo sa 2023 PHILRACOM "Japan Cup" na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas noong Linggo ng hapon.
Sinakyan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, hindi nito inapura sa largahan si Righteous Ruby.
Pinabayaan ni Hernandez na mauna ang mga matutulin sa arangkadahan na sina Enigmatic Linden at Speed Fantasy, ipinuwesto nito ang anak nina Revolutionary at God Bless Slew sa bandang likuran.
Malayo pa si Righteous Ruby sa mga bumabandera ng agawin ni Shastaloo ang unahan kay Enigmatic Linden sa far turn.
Subalit papasok ng huling kurbada ay kumakapit na sa unahan si Righteous Ruby at sa tabing-balya siya dumaan.
Nagkapanabayan sa rektahan sina Righteous Ruby at Shastaloo, nanalo ang una ng may kalahating kabayo ang agwat.
Inirehistro ni Righteous Ruby ang 1:51.2 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si KC Dyhengco ang P600,000 premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nasilo ni Shastaloo ang second place prize na P200,000, nakopo ni 3rd placer Time For Glory ang P100,000 habang tig-P50,000 at P30,000 ang 4th at 5th na sina Treasure Hunting at Bombay Nights ayon sa pagkakasunod.
Nakatanggap naman ang winning breeder ng P50,000 habang tig-P30,000 at P20,000 ang 2nd at 3rd.





Comments