Righteous Ruby, kinoronahan
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | December 28, 2021
Muling lumabas ang tikas ni Righteous Ruby matapos nitong manalo sa 2021 PHILRACOM Japan Cup na inilarga sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite noong Linggo ng hapon.
Ginabayan ni MM Gonzales, nagmasid si Righteous Ruby sa pang-anim na puwesto paglabas ng aparato habang kumaripas sa unahan si Raintree Starlet.
Nasa kalagitnaan pa lang ang labanan ay pitong kabayo na agad ang lamang ni Raintree Starlet sa sumusunod sa kanyang sina Chancetheracer at Full Stream.
Hindi naman nasira ang diskarte ni Righteous Ruby, unti-unti itong umusad habang papalapit sa hometurn at kahit malaki pa ang agwat ay nakakapit ang anak nina Revolutionary at GOD Bless Slew sa rektahan. Sa tabing balya pinadaan ni Gonzales si Righteous Ruby at nakuha nito ang unahan sa huling 100 metro ng laban, nanalo siya ng may isang kabayo ang agwat sa pumangalawang Raintree Starlet.
Inilista ni Righteous Ruby ang tiyempong 1:50.6 sa 1,800 meter race sapat upang kubrahin ng Cool Summer Stable ang P600,000 premyo habang napunta kay Raintree Starlet ang P200,000.
May tig-P100,000 at P50,000 ang hinamig ng third at 4th placers na sina Our Tito at Chancetheracer ayon sa pagkakasunod. Ang event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, nagpakitang gilas din si Batang Cabrera nang manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa race 9.
Sinakyan ni AM Tancioco, nagtala si Batang Cabrera ng 1:13.2 minuto sa 1,200 meter race para angkinin ang dagdag na premyong P100,000 na inisponsoran ng PHILRACOM.
"Mahusay si Batang Cabrera, mananalo pa rin yan sa susunod niyang takbo," saad ni Robert Catalan, karerista.
Sumegundo si Stardust habang pangatlo at pang-apat na dumating sa meta sina Golden Sunrise at Shadow Of The Sun ayon sa pagkakasunod.





Comments