Pumalag sa rape... 19-anyos na estudyante, pinagsasaksak

ni Mai Ancheta @News | November 17, 2026

Photo: File / Rep
Sugatan ang isang 19-anyos na estudyante makaraang pagsasaksakin ng suspek na nagtangkang manghalay sa kanya sa loob ng inuupahang boarding house sa Brgy. Nazareth, Cagayan de Oro City nitong Lunes ng madaling-araw.
Ginagamot ngayon sa ospital ang biktima matapos isugod ng mga nagrespondeng kapitbahay dahil sa mga tinamong saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Naaresto naman ang suspek na si alyas Andro, 46, may asawa at maintenance personnel ng compound kung saan umuupa ang biktima.
Lumitaw sa imbestigasyon na alas-2 ng madaling-araw nang pumasok umano ang suspek sa kuwarto ng biktima at nasa impluwensiya ng alak at tinangkang halayin ito.
Nagawang makalabas ng kuwarto ng estudyante at nagsisigaw na humingi ng tulong subalit nasundan ito ng suspek at pinagsasaksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at inihahanda na ng kasong isasampa laban sa kanya.





Comments