Riding-in-tandem strikes again... 2 Coast Guard pinagbabaril sa ulo, todas

by Jeff Tumbado @News | October 23, 2026

Photo: Circulated
Patay ang dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos silang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa Roman Vilo Street, Poblacion 6, Cotabato City, Huwebes ng tanghali.
Kinilala ni Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, ang mga nasawi na sina Seaman Second Class Reniel Agpalo, residente ng Nueva Ecija, at Apprentice Seaman Louther John Vitor, residente ng Butuan City.
Kapwa nakatalaga ang mga biktima sa PCG Cotabato City Station.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo ang mga biktima.
Samantala, hindi naman nasugatan si Lt. Commander John Paul Cabubarias, hepe ng PCG Cotabato City Station, na kasama ng dalawang biktima nang mangyari ang pamamaril.
Batay sa imbestigasyon, sakay ang mga biktima ng isang maroon na Toyota Innova at patungo sa kanilang himpilan nang pagbabarilin ng riding-in-tandem na kapwa naka-face mask.
Narekober ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa kalibre 9 mm na baril.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung may kaugnayan sa trabaho ng mga biktima ang pag-atake o kung nag-ugat ito sa personal na alitan.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operations ang mga tauhan ng Police Stations 1 at 4, Mobile Patrol Unit, at Cotabato City Mobile Force Company ng Cotabato City Police Office upang maaresto ang mga suspek.





Comments