RICKY AT JACKIE LOU, HIWALAY LANG PERO ‘DI PA ANNULLED
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 14, 2023

Sa mediacon ng pelikulang Monday First Screening ay hiningan ng reaksiyon ang lead actor na si Ricky Davao tungkol sa pahayag ng ex-wife niyang si Jackie Lou Blanco na nanghihinayang daw ito kung bakit sila naghiwalay. Base ito sa panayam ng aktres sa programang Fast Talk with Boy Abunda kamakailan.
“Hindi ko napanood but I heard about it. Well, we all have our regrets, ‘di ba? It happens but we have to move on,” nakangiting sagot ng aktor-direktor.
Inamin ni Ricky na in good terms sila ngayon ni Jackie Lou at nagkakausap pa rin sila pagdating sa kanilang mga anak.
Pero, may sundot na tanong kay Ricky dahil kapag tine-text daw siya ng dating asawa ay hindi naman siya sumasagot.
“Hindi naman sa hindi sumasagot or ano, kasi busy (ako), pero ‘pag nabasa ko, may response kaagad physically. Kung may (kailangan) na ganito, padala agad.
“Kapag kailangan ni Ken (anak nila) o ni ganito, nangyayari naman. Not at all (ini-ignore ang messages),” paliwanag ni Ricky.
Samantala, naitanong din kung aware ba si Jackie Lou sa girlfriend ngayon ni Ricky.
“Hindi pa niya (nakikilala), pero the kids, na-meet na nila.”
‘Tita’ raw ang tawag ng mga anak ni Ricky sa taong nagbibigay sa kanya ng inspirasyon at sa tanong kung boto ba ang mga ito sa GF niya ngayon, “Dapat!” nakangiting sabi nito.
Natanong naman si Ricky kung may bagong inspirasyon na rin si Jackie Lou ngayon.
Napangiti muna ang ex-husband ng aktres, “I’m not at liberty, ha! Hahahaha! Saka, okay lang (kung meron na).”
At dahil nga tinanong ng showbiz editor namin dito sa BULGAR na si Ateng Janiz Navida kung annulled na ang kasal ng dalawa, sa unang pagkakataon ay nagsalita na si Ricky na hindi pa pala napapawalang-bisa ang kasal nila ni Jackie Lou kaya technically, mag-asawa pa rin sila kahit matagal na silang hiwalay.
Umiling si Ricky, “Hindi pa. Actually, itong nangyayari ngayon is my first time to talk. I’m answering you (Janiz) regarding annulment or ganito, never akong nagsalita, ‘di ba? But since lumabas nga ‘yung kay Kuya Boy (panayam kay Jackie Lou) at naitanong, but truly I never talk about it.”
Napag-usapan na ba nilang mag-asawa na ipawalang-bisa na ang kanilang kasal?
“Wala naman (pa). Siguro ano, I will cross the bridge when we get there,” nakangiting sagot ng aktor.
Sa katunayan ay hindi naman pinili ni Ricky na magkaroon ng non-showbiz GF, sadyang tinamaan lang siya, “Kahit ano’ng industry, kung tatamaan ka, tatamaan ka, it just happened,” sambit ng aktor.
Anyway, kasama naman ni Ricky sa mediacon ng Monday First Screening ang kanyang non-showbiz girlfriend at nangako rin siyang isasama ito kapag may premiere night ang pelikula nila ni Gina Alajar as his leading lady.
Ang Monday First Screening ay mula sa direksiyon ni Benedict Mique at produced naman ito ng NET25 Films.





Comments