top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

RFID: Ginhawa sa motorista o dagdag-problema?

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 7, 2020
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 7, 2020


Patuloy sa paggawa ng paraan ang pamahalaan para maiwasan ang hawaan ng COVID-19.


Mula sa cashless payment sa mga pampublikong sasakyan tulad ng bus, cashless system na rin ang paiiralin sa paggamit ng mga expressway para sa tollways.


Imbes na magbayad ng cash, gagamit na ng Radio-frequency identification o RFID sticker. Ito ay may barcode na babasahin ng scanner kapag dumaan ang sasakyan sa tollways.


Kamakailan ay ipinatupad ang cashless system sa paggamit ng mga expressway, pero sa halip na mapadali ang transaksiyon, aberya ang inabot ng ilang motorista.


Nagrereklamo ang ilang motorista na nawawala o nababawasan ang load ng kanilang Easytrip RFID stickers kahit hindi nila ito ginagamit.


Gayunman, hindi lang motorista ang nakaengkuwentro ng ganitong problema dahil ang isang opisyal ng Toll Regulatory Board (TRB) ay nakaranas din nito.


Kuwento ng isang motorista, dalawang sasakyan niya ang pinaglagyan ng RFID at inilagay ang dalawang ID number sa isang application, ngunit nang dumaan sa toll ng NLEX, maging ang isa niyang RFID sticker ay nakaltasan.


Aniya, lumabas sa naturang kotse na nabawasan ang load at ang time stamp ng paggamit ay Setyembre 27, pero Oktubre 7 siya nakabili ng RFID. Ang isang kotse niya naman, hindi pa dumaraan sa NLEX pero nakikita sa app na tatlong beses itong dumaan sa NLEX scanners.


Kuwento naman ni TRB Director Engr. Abraham Sales, naranasan din niya ang nangyari sa naturang motorista. Aniya, hindi umano niya ginagamit ang sticker, pero nang tingnan ang app, P200 na lang ang laman nito.


Ayon sa Metro Pacific Tollways Corp., na namamahala sa NLEX at Easytrip ID, nagkaroon ng “glitch” ang kanilang sistema noong weekend. Gayunman, awtomatiko umanong ibinabalik sa motorista ang halagang nawala sa load.


Siguro nga, nagkaroon lang ng problema sa app, pero hindi porke naibabalik naman ang nakakaltas na load, wala na tayong gagawin para hindi ito maulit.


Panawagan sa mga kinauukulan, tiyaking maaaksiyunan ang isyung ito dahil baka safe nga sa COVID-19, sakit ng ulo naman ang ipapasa sa mga motorista.


Sa totoo lang, maganda ang layunin nito, pero kung hindi masosolusyunan, isip-isip muna kung ipatutupad ba talaga.


‘Wag nating hayaan na maulit ang ganitong eksena dahil baka imbes na solusyon, panibagong problema na naman.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page