‘Revised Magna Carta for Public School Teachers’ para sa kapakanan ng mga guro
- BULGAR

- Jul 10, 2025
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 10, 2025

Muling inihain ng inyong lingkod ang ating panukalang amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na naisabatas 59 taon na ang nakalilipas. Napapanahon na upang amyendahan natin ang batas na ito, lalo na’t kailangan nating tiyaking na ang proteksyon at mga benepisyo para sa mga guro ay angkop sa mga hamong kinakaharap nila sa kasalukuyan.
Matatandaan na noong 18th Congress, pinangunahan ng inyong lingkod ang pagrepaso sa pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers. Nagsagawa ang Basic Education Committee ng apat na pagdinig at inisa-isa natin ang probisyon ng mga batas. Lumalabas na sa 30 probisyon, pito lamang ang ganap na naipatupad, 18 ang bahagyang napatupad, tatlo ang hindi naipatupad, at may dalawang section na napangunahan na ng ibang mga batas.
Kaya naman inihain natin ang panukalang pag-amyenda sa Magna Carta upang tugunan ang aming mga natuklasan sa ginawang pagsusuri. Pagdating sa mga sahod, benepisyo, at kondisyon sa trabaho, hindi dapat higit ang mga entry-level teachers kung ihahambing sa natatanggap ng mga probationary teachers.
Iminumungkahi rin nating ibaba ang bilang ng oras ng pagtuturo sa apat mula anim. Nais rin nating tuluyang ipagbawal ang pagpapagawa ng non-teaching tasks sa ating mga guro. Isinusulong din nating protektahan ang ating mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses.
Nakasaad din sa batas na gawing mas maayos ang batayan ng mga sahod ng mga guro. Sa ilalim ng panukalang batas, itatakda rin natin ang mga kondisyon para sa pagbibigay ng mga special hardship allowance. Isinusulong din natin ang pagbibigay ng calamity leave, educational benefits, longevity pay, at iba pang mga benepisyo sa ating mga public school teachers.
Nakasaad din sa ating panukala ang ilang mga polisiya upang mabigyang proteksyon ang ating mga guro. Ipagbabawal natin, halimbawa, ang pagpapaalis sa mga permanent teacher kung walang sapat na dahilan at tamang proseso. Sa ilalim ng ating panukala, maaaring makabalik sa posisyon at makatanggap ng back wages ang mga gurong mapapatunayang biktima ng unjust dismissal.
Nais din nating tiyakin ang confidentiality sa mga disciplinary action na hinaharap ng mga guro. Iminumungkahi rin natin ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education at Public Attorney’s Office upang mabigyan ng legal assistance ang mga gurong humaharap sa mga kasong may kinalaman sa kanilang pagtuturo.
Ilan lamang ito sa mga benepisyo at proteksyong nais nating ibigay sa ating mga guro sa ilalim ng Revised Magna Carta for Public School Teachers. Patuloy nating isusulong ang mga panukala upang itaguyod ang kapakanan ng ating mga guro.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments