Retirement pay
- BULGAR
- Jun 9, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 9, 2022
Dear Chief Acosta,
Magkano ba ang sinasabi ng batas na nararapat na halaga ng retirement pay? Ako kasi ay empleyado na malapit na 60 years old. Bukod pa rito, ako rin ay namasukan nang 15 taon sa aking pinagtrabahuhan. Gayunman, labis akong nagtataka sapagkat Php 25,000 lamang ang inaalok sa akin bilang retirement pay. Hindi ko inaasahan na halos katumbas lamang ng isang buwan ko na suweldo ang aking matatanggap. Tama ba ito? - Joel
Dear Mang Joel,
Ang sagot sa inyong katanungan ay hindi po. Para sa inyong kaalaman, ayon sa Presidential Decree No. 442, o mas kilala sa tawag na Labor Code of the Philippines, ang halaga ng retirement pay, kung sakaling walang napagkasunduan na retirement plan sa kontrata o Collective Bargaining Agreement (“CBA”) ay dapat hindi bababa sa katumbas na halaga ng kalahating buwan ng suweldo sa kada taon ng serbisyo, viz:
“Article 302. Retirement. Any employee may be retired upon reaching the retirement age established in the collective bargaining agreement or other applicable employment contract. xxx,
In the absence of a retirement plan or agreement providing for retirement benefits of employees in the establishment, an employee upon reaching the age of sixty (60) years or more, but not beyond sixty-five (65) years which is hereby declared the compulsory retirement age, who has served at least five (5) years in the said establishment, may retire and shall be entitled to retirement pay equivalent to at least one-half (1/2) month salary for every year of service, a fraction of at least six (6) months being considered as one whole year.
Unless the parties provide for broader inclusions, the term ‘one-half (1/2) month salary’ shall mean fifteen (15) days plus one-twelfth (1/12) of the 13th month pay and the cash equivalent of not more than five (5) days of service incentive leaves. xxx.” (Binigyang-diin)
Base sa nabanggit na probisyon ng batas, dahil sa inyong 15 taon na pamamasukan at sa kadahilanan na malapit na kayong maging 60 years old, kung saan maaari na kayong makinabang sa optional retirement na isinasaad ng batas, nararapat na ang halaga na sang-ayon sa batas ang masunod.
Samakatwid, kayo ay maaaring makakuha ng katumbas na halaga ng kalahating buwan ng inyong sweldo (22.5 days suweldo) sa kada taon ng inyong serbisyo. Alinsunod sa batas, ang kalahating buwan ng suweldo ay binubuo ng mga sumusunod: 15-araw na suweldo, ang katumbas ng limang araw na service incentive leave (SIL), kung ito ay inyong legal na natatanggap at ang one-twelfth (1/12) ng inyong thirteenth (13th) month pay.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments