Restoran na dedma sa health protocols, sasampolan
ni Ryan Sison - @Boses | November 14, 2021
Kasabay ng pagluluwag ng quarantine restrictions ang pagbubukas ng mas maraming negosyo, partikular sa food industry.
Matatandaang pinapayagan na ang indoor dining, kaya naman dagsa na rin ang marami nating kababayan na tila nasabik sa pagkain sa mga restoran.
Kaugnay nito, hinikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na isumbong sa kanila ang mga kainan na hindi nagpapatupad ng health protocols.
Kabilang na ang hindi paghahanap ng mga vaccination card sa mga nagsasagawa ng indoor dining.
Giit ni DTI Secretary Ramon Lopez, sa bawat restoran, dapat may nakatalagang full-time safety and health protocol officers na magpapaalala sa mga kustomer ng mga panuntunan.
Samantala, maaari rin umanog isumbong kapag nakitang hindi nagsusuot ng facemask o walang social distancing ang mga empleyado ng kainan.
Nilinaw din ng opisyal na mahigpit na bineberipika ang mga sumbong sa kanilang hotline na 1384 bago sila gumawa ng hakbang laban sa inirereklamong establisimyento.
Dapat lang maipatupad ang health protocols sa lahat ng establisimyento o negosyong may operasyon ngayon.
‘Ika nga, hindi porke nagluluwag sa mga panuntunan, sasamantalahin na natin ito at aasta na tayong parang walang pandemya.
Paalala sa mga negosyante, ‘wag kalimutan ang pag-iingat dahil hindi lamang ito para sa mga kustomer kundi para rin sa inyong mga empleyado.
Kabilang sa mga pag-iingat ang pagsunod sa indoor seating capacity upang mapantili ang social distancing, gayundin ang contact tracing.
Pakiusap naman sa mga kustomer, magkusang sumunod sa health protocols. Kailangan din ng mga negosyante ang inyong kooperasyon.
Siguro naman, sapat na ang mga paalala at babala ng awtoridad. Kaya ‘pag may nasampolan, pasensiyahan na lang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments